PNP-HPG Quezon nagsasagawa ng pakikipagpulong sa mga samahan ng TODA sa National Highway
Patuloy raw ang pakikipagpulong ng mga tauhan ng Quezon PNP Highway Patrol Group sa samahan ng mga TODA sa Maharlika Highway sa lalawigan upang paa lalahanan ang mga ito na bawal umano sila sa mga pangunahing kalsada.
Aminado si PEMS Armando Salosa ng PNP-HPG Quezon na hindi raw ito maiwasan ng mga tricycle driver dala ng pangunahing hanapbuhay ng mga ito.
Sa kabila nito, may tagubilin daw si Salosa sa mga tricycle driver kung talagang hindi umano maiiwasan ng mga itong dumaan sa pangunahing kalsada.
“Kasama natin sa compliance yan daily yung pagpupulong-pulong dito sa mga tricycle driver along dito sa Maharlika Highway na bawal sila diyan yun nga laang ay dala ng paghahanapbuhay nila hindi rin nila maiwasan”.
“Ang bilin ko na nga lang pag kayo ay nakakaabala sa highway pagbigyan ninyo yung mga sasakyang naaabala ninyo sa likuran irespeto niyo sila at irerespeto rin kayo”.
Iginiit pa ng PNP-HPG Quezon na dapat daw nasa tabi lang ang mga tricycle driver upang matiyak ang kaligtasan hindi lamang ng mga pasahero ngunit maging ng mga motorista.
Layon ng HPG na i-promote lalo na doon sa mga motorista ang road courtesy and discipline, mabawasan ang banggaan sa kalye at iba pang krimen na nangyayari sa mga highways.