News

Presyo ng itlog, tumaas sa Lucena City

Umaangal na ang ilang mamimili sa Lucena City, maging ang itlog kasi tumaas na rin ang presyo.

“Mas mahal, depende sa size ng itlog, nagmahal ng piso masakit sa bulsa,” ayon sa isang mamimili.

Sabi ng ilang maninindahan ng itlog, sadyang hindi raw maiwasan ng kanilang mga sukli ang hindi umangal sa presyo ngayon ng mga itlog. Bakit nga naman daw hindi, ang dating small size na mabibili lamang noon na P5 kada piraso, umabot na ngayon sa hanggang P8 ang bentahan.

“Ang benta ko na n’yan otso, dati magkano lamang benta natin ng small nag-lilimang piso pa dati sais, lima,” sabi ng isang maninindahan.

Nasa mahigit dalawang piso ang itinaas ngayon sa kada piraso ng itlog kaya ang mga mamimili hindi na tuloy raw bumibili nang maramihan.

Sabi ng mamumuhunan na si Thots, last quarter pa ng taong 2022 nang magsimulang tumaas ang presyo ng itlog ganoong tila wala naman daw kakulangan sa suplay nito. Sabi niya dapat daw itong tutukan ng pamahalaan upang hindi umabot sa punto na maging katulad sa sibuyas, sitwasyon na lubhang makakapekto raw publiko.

“Gawang silang mga may poultry, sila ang nagkakaintindihan eh. Dapat aksyunan ng gobyerno ‘yan. Iyan lang ang pinakamurang pang-ulam ng tao dapat bigyan nila ng aksyon. Bakit naman sobrang mahal ng itlog,” pahayag ni Thots na nagbebenta ng itlog.

Samantala, pinasusuri ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Department of Agriculture ang pagtaas ng presyo ng itlog sa merkado.

Sa pulong sa Malakanyang, inatasan ng Pangulo si Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban na makipagpulong sa mga egg producers at traders sa bansa.

Nais kasi malaman ng Pangulo kung ano ang rason sa pagsirit ng presyo ng itlog. Pinasusuri ng Pangulo kung anong hakbang ang maaaring magawa ng pamahalaan para mapigilan ang pagtaas ng presyo ng itlog at masiguro na makakayanan pa rin ng bawat pamilyang Pilipino ang abot kaya at masustansyang pagkain.

Base sa ulat ng DA, nasa P9 na ang presyo ng itlog ngayon. Mas mataas ito kumpara sa P7 na presyo ng itlog noong Disyembre.

Ayon sa DA, dapat ay naglalaro lamang sa P7 hanggang P7.50 ang presyo ng bawat itlog.

Una nang sinabi ng Philippine Egg Board Association na bumaba ang produksyon ng itlog dahilan para tumaas ang presyo sa palengke. Itinuturong dahilan ng grupo ang mataas na gastos ng mga breeders ng manok.

Sa monitoring ng DA, may mga negosyante na nagbebenta ng itlog ng hanggang P9.60 bawat piraso.

Pinulong na rin ng DA ang Price and Volume Watch Committee at Advisory Groups for Livestock and Poultry para bantayan ang presyo ng itlog sa buong bansa.

Una nang sinabi ni DA Assistant Secretary Kristine Evangelista na pinagsusumikapan ng kanilang hanay na tanggalin ang mga middleman para maiwasan ang pagtaas pa ng presyo ng itlog.

Pin It on Pinterest