Presyo ng kamatis nasa higit P250/kilo na sa palengke ng Lucena City
Kung dati, itinatambak na lang ang mga kamatis sa probinsya dahil may oversupply at masyado nang mura — ngayon, tila mamumulubi ang bibili ng isang kilo nito.
Sa Lucena City Public Market, umaabot na sa P250 ang kada kilo ng kamatis, kaya naman pa isa-isang piraso na lang ang bili ng mga consumer.
Ayon sa ilang nagtitinda, sa ngayon ay naglalaro ang presyo nito mula P160 hanggang P250 sa ngayon depende pa raw ito sa klase ng kamatis.
Kuwento ng tinderang si Nilda, nagsimulang tumaas ang presyo noong nakaraang buwan, pero ngayon medyo bumaba ito ng kaunti.
Sinabi naman ng tinderong si Jepoy, dumadaing na daw ang mga tao dahil sa taas ng presyo nito.
Ayon sa Bureau of Plant Industry o BPI, tumaas ang presyo ng gulay bunsod ng nagdaang mga bagyo at Habagat.
Sa ngayon, pinag-aaralan ng DA at BPI kung kailan dapat magtanim ng partikular na gulay upang umayon sa demand ng mga Pilipino.