Presyo ng petrolyo, inaasahang tataas; ilang tricycle driver sa Lucena City, nagpahayag ng opinyon
Matapos ang walong linggong sunod-sunod na rollback, asahan na ang dagdag presyo sa produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Ayon kay Joselito Briones na mahigit 30 taon ng tricycle driver sa Lucena City, wala raw siyang magagawa sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
“Wala tayong magagawa doon, ‘di natin kayang pigilan ang pagtaas (petrolyo),” pahayag ni Briones.
Pero ayon naman sa ilang tricycle driver, ang epekto raw sa kanila nang pagtaas ng presyo ng gasolina ay kinakailangang magtaas din sila ng pamasahe.
“Kung itaas ang gasolina ay itataas din ang pamasahe, dapat ay parehas” sabi ni Jonathan Pajaron.
Tumaas ang presyo ng imported diesel at gasoline sa pandaigdigang merkado bunsod ng plano ng organization of the petroleum exporting countries at bansang Russia na tapyasan ang produksyon ng supply ng langis.
Sa ngayon, wala pang maibibigay na price hike ang Department of Energy o DOE dahil hindi pa tapos ang trading sa world market.