Presyo ng pulang sibuyas, pumalo na sa Php350 kada kilo sa Lucena City
Nakakaiyak na ang presyo ng pulang sibuyas matapos na umakyat pa ito sa P320 hanggang P350 ang kada kilo sa Pamilihang Panlungsod ng Lucena lalo’t higit isang linggo na lamang ay araw na ng kapaskuhan, ayon sa tindera ng sibuyas na si Aling Bella.
“Talaga hindi mo pa nagagayat ay napapaluha na dahil sa mahal”,sinabi ni Aling Bella.
Ito’y matapos na umabot sa P320 hanggang P350 ang kada kilo ng retail prices ng sibuyas mula sa presyo nito noong nakaraang linggo na naglalaro lamang sa P300 pesos kada kilo.
“Puhunan po P300 pagbebenta namin P350 ang kada kilo . . . P320 po ang kilo, P300 nung nakaraan . . . P340 dati ay P300”, pahayag ni Aling Bella.
Ayon sa Department of Agriculture, ang sibuyas daw kasi ay mataas ang demand ngayong nalalapit na ang araw ng kapaskuhan dahil isa ito sa pangunahing sangkap sa mga lutuin.
Una na rito, inaasahan ang pagdating ng mga bagong stocks ng sibuyas sa Pebrero sa susunod na taon ngunit siniguro naman ng Dept of Agriculture na may sapat na supply nito ngayong kapaskuhan hanggang sa unang bahagi ng susunod na taon.