Presyo ng sibuyas, mataas pa rin
Nananatili pa rin sa P300 per kilo ang presyo ng pulang sibuyas sa pampublikong pamilihan ng Lungsod ng Lucena.
Sa panayam ng Bandilyo news team kay Ginang Blanca, vendor ng mga rekado, muling tumaas ang presyo ng pulang sibuyas dahil wala umanong suplay ng imported na sibuyas sa naturang palengke.
“Medyo bumaba na kaya lang tumaas uli siya dati kasi nakakapagbenta pa ako ng P280 ngayon P300 na ulit kasi walang mga imported eh”, ayon kay Blanca.
Dahil sa mataas na presyo ng pulang sibuyas ay naging matumal rin ang bentahan nito.
“Napakataas pa rin P300 pa rin”, sabi ni Ding.
Para makabenta ang ilan sa mga nagtitinda ng rekado sa nasabing pamilihan, kanya-kanyang diskarte na lamang ang kanilang ginagawa gaya ng pagtitinda ng ‘tingi’ o paglalagay ng sibuyas sa maliliit na plastic at ibinibigay na lamang sa presyong Php20.
Hiling naman ng tinderang si Imelda sana raw ay bumaba na ang presyo ng pulang sibuyas para abot-kaya ang presyo ng mga mamimili.
“Kasi syempre para maka avail yung ibang maliliit na gusto ring gumamit ng sibuyas hindi naman lahat ng tao nakakabili ng ganong presyo diba?”, pahayag ni Imelda.
Samantala, inanunsiyo naman ng Department of Agriculture o DA na P125 ang suggested retail price o SRP na bawat kilo ng imported na sibuyas na ipagbibili sa mga palengke sa Metro Manila.
Nagtakda ang DA ng SRP para maiwasan ang overpricing sa mga inangkat sa sibuyas.