Presyo ng sibuyas posibleng bumaba na ngayong buwan -DA
Abot langit na ang hinaing ng maraming mamimili sa tila gintong presyo ngayon ng sibuyas sa mga pamilihan.
“Sobrang taas naman, 600 na nga kilo eh, dapat ay bumababa naman at kawawa naman ang tao naghihirap eh”.
Sa sobrang mahal ng presyo biro tuloy ng ilan, hindi pa nga raw hinihiwa, mapapaluha ka na sa labis na presyo nito. Kaya naman ang ilang mamimmili nito na dati rati ay per kilo kung bumili, ngayon per piraso na lang.
“Nakaka-shock kakaunti na lang yoong nabibili”.
“Ay hindi ka naman makakabili basta-basta ng sibuyas”.
Dalanagin ng maraming mamimili sana raw ngayong pagpasok ng 2023 bumaba na ang presyo nito.
Samantala, malaki ang posibilidad ng Department of Agriculture (DA) na maaring bumaba ang presyo ng sibuyas.
Bagay na dapat lang daw na mangyari, sabi ng mga mamimili.
Ayon kay Department of Agriculture Undersecretary Kristine Evangelista, posibleng sa kalagitnaan ng Enero 2023 maramdaman na ang pagbaba ng presyo ng sibuyas dahil sa ngayon, mataas ang presyo nito dahil sa mataas na demand ngayon dahil na rin sa kabi-kabilang handaan.
Kaugnay nito, patuloy na sisiguro ng kagawaran ang sapat ang supply ng sibuyas sa lahat ng pamilihan sa buong bansa.
Matatandaang umabot na sa mahigit P500/kilo ang kasalukuyang presyo ng sibuyas sa merkado.
Sa Lucena City, umabot ang presyo nito ng hanggang sa P700 ang kada kilo.