Presyo ng sibuyas pumalo na ng higit P600-P700 kada kilo
Umakyat na sa P600-P700 ang presyo ng malalaking pulang sibuyas sa Pamilihang Panlungsod ng Lucena.
Ayon kay Kuya Ambet, isang tindero, bukod sa kulang ang lokal na suplay, tila iniipit rin kasi ang suplay nito sa merkado.
“P700 yung ano, kasi yung pag angkat namin nung ano eh yung mga per kilo din edi. Araw araw naman tumataas ang sibuyas eh kaya kami nahihirapan rin ng pagtinda pakilo-kilo na lang inaangkat”, aniya.
Dagdag pa niya, ang maliliit na pulang sibuyas naman ay nasa P400 ang kada kilo.
“Mura-mura na 400 nagtiya-tiyaga na rin sila kesa nga naman yung P700“.
Maliliit rin na pulang sibuyas ang paninda ni Joy na nasa P450 ang kada kilo.
“P450 ang kilo maliliit pag malalaki kasi P600-P700 na ngayon. Masakit na sa bulsa kawawa naman ang mga mamimili na ang sweldo ay maliliit”.
Ayon naman sa tinderang si Aling Aya, marami pa rin ang bumibili kahit tumaas ang presyo ng sibuyas dahil ito ang pangunahing rekado sa lutuin.
“Madami kahit mahal dahil gamit nila”.
Ang mamimiling si Nanay Aileen, ¼ kilo lang sibuyas ang binili para pagkasyahin ang kanyang budget.
“Ubod ng mahal, tama na yung kaunti”.
Inasahan na ng mga nagtitinda na tataas ang demand ngayong Holiday Season.
Kaya para sa kanila hindi na dapat umabot nang labis ang presyo kung nakakapag-angkat ng sibuyas noong mga nakaraang buwan.