Presyo ng sibuyas sa Lucena City Public Market, hindi bababa sa P300 ang kada kilo
Sabi ng ilang mamimili, nangunguna ang sibuyas sa mataas na presyo ngayon ng mga gulay sa pamilihan.
“Sibuyas ang mahal, baka hindi na ako makapaggisa,” sabi ni Aling Nora.
Sa ilang tindahan, ang anim na pirasong maliliit na sibuyas pumapalo na sa 28 pesos ang presyo.
“Ang huling bili ko P40 lang ang ¼ [kilo],” ayon sa mamimiling si Aling Nora.
Sa mahal ng presyo ng sibuyas ngayon, sabi ng ilang mamimili kapag tumaas pa ang presyo nito baka hindi na muna sila gumamit ng sibuyas sa paggisa sa kanilang mga lutuin.
Sa mahal daw kasi ngayon ng presyo halos hindi na makayang bilhin.
“Halos hindi kayang bilhin ng tao… halos doble po ang presyo,” saad ng isang mamimili.
Hindi bababa sa P300 ang preso ng kada kilo ngayon ng sibuyas sa Lucena City Public Market. Aminado ang mga maninindahan na sobrang taas ng presyo ngayon ng sibuyas lalo na ang tinatawag na sibuyas na tagalog.
Sabi ng tinderang si Ayeth, nagsimulang tumaas nang husto ang presyo nito makaraan ang pananalasa ng bagyong Paeng, pero nakakagulat raw sa laki ng itinaas sa presyo.
“Halos hindi na kayanin ng tao kamahalan ng sibuyas. Dati ang ¼ [kilo] lang ay bente [peso], ngayon P75 sobra po talagang taas ngayon lang namin naranasan. Dati hanggang P200 [per kilo] lang, ngayon talagang P300 iyong maliliit,” sabi ng tinderang si Ayeth.
Sa ngayon wala naman na kakulangan ng suplay nito sa naturang pamilihan.
“Ok pa naman mayroon pang narating, mataas po ang mga gulay ngayon halos lahat, sibuyas ang pinakamataas,” sabi ng tinderang si Angeline.