Programa laban sa tuberculosis, patuloy ang pagpapaigting sa Quezon
Ginugunita tuwing ika-24 ng Marso ang World Tuberculosis Day upang mapaigting ang public awareness ukol sa sakit na TB.
Sa lalawigan ng Quezon, patuloy na ini ikot ng Provincial Health Office – National Tuberculosis Control Program kasama ang USAIDs TB Platforms for Sustainable Detection, Care and Treatment ang iba’t ibang bayan sa probinsya upang mas mapalakas ang kakayanan ng mga LGUs, Rural Health Units, at City Health Offices sa pagpapatupad ng mga programa at estratehiya laban sa sakit.
Kaugnay nito, isinagawa ang Contact Investigation – TB Preventive Treatment Advocacy (CI-TPT) sa mga bayan ng Tagkawayan, Calauag, Gumaca at sa lungsod ng Tayabas nitong nakaraang linggo. Ang nasabing aktibidad ay isang pamamaraan upang mas mapalawak ang kaalaman ng mga mamamayan lalo na ang mga nakakasalumuha ng pasyente na may TB.
Magkatuwang ang Quezon PHO at USAIDs TB Platforms sa pagpunta sa mga TB DOTS-providing facilities sa buong lalawigan upang maibahagi ang CI-TPT para mapigilan ang pagdami at pagkahawa sa sakit.
Samantala nitong 2022, nakapagtala ang Department of Health ng nasa 470,000 kaso ng tuberculosis sa bansa.