News

Programang Green Revolution, mas palalakasin sa Brgy. Bocohan

Mas palalakasin ngayon ng Pamahalaang Barangay ng Barangay Bocohan sa Lungsod ng Lucena ang programang Green Revolution o ang pagtatanim ng mga gulay at iba pang agricultural products.

Ito’y bilang bahagi na rin ng pagsuporta ng barangay sa programang HAPAG ng DILG.

Ayon kay Kapitan Romulo Lagar, nais nilang maging ehemplo sa mga kabarangay nito na magtanim ng mga gulay sa kanilang bakuran.

Aniya, ang pagtatanim ng mga gulay sa kanilang bakuran ay nagbibigay sa kanila ng katiyakan na mayroon silang makakain at mapagkukunan ng libreng masustansiyang pagkain.

“Una sa lahat ay yung tungkol doon sa green revolution magkakaroon kami sa aming barangay magiging ehemplo yung sinasabing yung green revolution yung mga pagtatanim dahil una sa lahat alam mo ay pataas ay pataas ang ating presyo ng ating bilihin edi para makaiwas sa ika nga baga’y yung pang araw araw na gamit maging ulam, maging halaman edi hindi na sila bibili”.

Sa likod ng barangay hall ng Bocohan matatagpuan ang naturang programa kung saan nakatanim ang mga pangunahing bilihin gaya ng mga gulay at iba pa.

“Katulad ng mga pagtatanim ng halaman yung mga pechay, talong, sitaw at tsaka yung mga lamang lupa katulad ng mga balinghoy, kamote”.

Layunin nito na mapataas ang kapasidad at mapanatili ang agrikultural na aktibidad tulad ng community garden sa bawat barangay o bakuran na maaaring pagtaniman at pagkunan ng pagkain.

Hinikayat naman ng punong barangay ang mga residente nito upang maging matagumpay at maisakatuparan ang layunin ng HAPAG sa Barangay Project.

Pin It on Pinterest