Provincial Vet ng Quezon patuloy ang pagtulong sa mga ka-lalawigan
Patuloy ang tanggapan ng Panlalawigang Beterinaro sa pangangalaga ng kalusugan ng mga alagang hayop at pagpapaunlad sa industriya ng paghahayupan sa lalawigan ng Quezon. Ito ang ipinahayag ni Dr. Flomela Caguicla sa flag raising ceremony ng pamahalaang panlalawigan Lunes ng umaga. Isa sa mga isinasagawang serbisyo ng Tanggapan ng Panlalawigang Beterinaryo ay ang libreng anti-rabies and deworming vaccination para sa mga aso at pusa sa harap ng Kapitolyo tuwing araw ng Lunes. Araw-araw ding ipinatutupad ang kaparehong serbisyo sa kanilang klinika na nasa Brgy. Talipan, Pagbilao. Sa susunod na linggo ay isasagawa naman ang Meat Safety Consciousness Week mula ika-16 hanggang ika-20 ng Oktubre sa pangunguna pa rin ng ahensya upang bigyang pansin ang pagkakaroon ng malinis at ligtas na karne sa lalawigan.
Kinilala naman ni Provincial Administrator Romulo Edaño, Jr. ang pagsusumikap ng tanggapan upang tuluyang puksain ang nakamamatay na sakit na rabies sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng responsible pet ownership sa bawat bayan sa lalawigan alinsunod sa layunin ng bansa na maging rabies-free country ang Pilipinas sa taong 2020. Sa kasalukuyan ay nakapagdeklara na bilang rabies-free municipality ang bayan ng Alabat, Perez at Quezon noong mga nakaraang taon.