News

Public Employment Services Office ng Lucena City, nag-ulat ng mga nagawa

Mahigit 18,300 na indibidwal ang nabigyan ng trabaho ng Public Employment Services Office ng lokal na pamahalaan ng Lucena City mula noong taong 2020.

Ilan ‘yan sa mga inulat ng nasabing tanggapan sa harap ni Lucena City Mayor Mark Alcala at iba pang opisyal ng LGU sa ginanap na regular na Flag Raising Ceremony, umaga ng November 7 sa Lucena City Government Complex.

Sa harap ng mga kawani ng lokal na pamahalaan, binanggit din ni Ma. Cristina Encina, hepe ng Lucena City PESO, na nagkaloob sa lungsod ang Department of Labor Employment (DOLE) ng mahigit P7 milyong para sa Livelihood Program, mahigit P8 milyon naman ang para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), higit P41 milyon naman para sa Government Internship Program (GIP) na itinalaga noon sa iba’t ibang opisina ng lokal na pamahalaan.

Taong 2021 ay nakatanggap ng walong award ang Public Employment Services ng Lucena City. Siyam na pagkilala naman ang natanggap ng tanggapan noong taong 2022.

Dalawang pagkilala ang tinanggap ng opisina mula sa national government kabilang ang pagiging “The Best DOLE Integrated Livelihood Program Implementer”.

Samantala para sa Economic Recovery ng pamahalaan, magsasagawa ang PESO Lucena City ng isang malawakang Job Fair sa November 11 sa SM City Lucena.

Sinabi ni Encina, 18 partners agency ang lalahok sa Job Fair para magbigay ng nasa 900 trabaho para sa mga taga-Lungsod ng Lucena.

Pin It on Pinterest