Punong itatanim sa National Greening Program pinag-aaralan ng ahensya –Ecosystem Management Speacialist
Sa ilalim ng National Greening Program na ipinapatupad ng pamahalaang nasyunal sa pamamagitan ng DENR ang ng mga lokal na opisina nito sa PENRO o CENRO ay pinag-aaralang mabuti kung anong klaseng mga puno ang dapat na itanim sa mga lugar na pagtataniman ng ahensya ng pamahalaan. Ayon kay Ginoong Ramil Gutierrez ng CENRO Pagbilao Office, sa eksklusibong panayam ng Bandilyo TV, ay inaalam din nila sa komunidad kung ano ang kanilang gustong maging tanim. Kung ang gusto anya ng komunidad ay mga fruit bearing trees katulad ng lanzones ay ito ang kanilang itatanim kung angkop sa lugar at uri ng lupa. Kung halimbawa naman aniya na malapit sa riverbanks at kinakailangang kawayan o mga punong malalim kung mag ugat ang itanim upang makatulong ang mga ito sa pag-pigil ng pagguho ng lupa sa tabing ilog.
Kinumpirma naman ni Ginoong Gutierrez kay Konsehal Manong Nick Pedro na mayroong pakikipag usap ang City Planning and Development Office o CPDO upang makapagtanim ng mga punong kahoy at kawayan sa tabi ng dalawang ilog ng Lungsod ng Lucena. Nabanggit kasi ni Kon. Manong Nick Pedro na sa programa ng pamahalaang panglungsod para sa dalawang ilog nito – Ilog Iyam at Dumacaa River – ay kawayan anya ang pinaka paborableng itanim upang maiwasan ang soil erosion. Ayon kay Manong Nick, bukod sa pagsasalba ng ilog ay layunin din ng pamahalaan na gawing tourist destination ang ilog upang magkaroon ng kragdagang pagkakakitaan ang mga Lucenahin.