News

Q1K Program ng Quezon, ibinida sa Galing Pook Awards 2017

Ipinagmalaki ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa ginanap na Galing Pook Awards 2017 Site Validation ang programang Quezon’s First 1,000 Days of Life o Q1K na kasalukuyang isinasagawa sa labing-dalawang munisipalidad sa lalawigan katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Ipinrisinta ni Quezon Governor David Suarez ang ilan sa mga natatanging gawain na ipinatutupad ng binansagan nitong “super mayors” upang mas mapaigting pa ang programa sa kani-kanilang munisipalidad. Nagpasalamat ang mga alkaldeng nagsidalo sa okasyon. Ayon sa mga ito, ang programang Q1K ay mas makakapagbigay ng tamang pangangalaga sa mga buntis at ang ganitong uri ng programa anila ay mahalaga hindi lamang sa lalawigan ng Quezon, pati na rin sa buong bansa.

Ibinahagi naman ni Q1K Program Management Officer, Dra. Grace Santiago ang kwento sa likod ng pagkakabuo sa programa. Bukod pa dito ay ibinahagi rin nito ang ilan sa mga naging hamon sa pagtupad ng programa tulad ng mga tradisyon o paniniwala ng ilan sa mga potensyal na benepisyaryo. Naniniwala si Dra. Santiago na ang programang Q1K ang magsisilbing daan upang magkaroon ng mas maunlad at matibay na komunidad sa bansa.

Kasalukuyang isinasagawa ang Q1K program sa 12 pilot municipalities sa lalawigan kung saan nakapaloob sa programa ang tatlong key components na health care and sanitation, food and nutrition at social care. Isinasagawa ang monitoring nito sa bawat munisipalidad sa tulong ng mga Q1K coordinators at technical working group na nagtutungo sa bawat bayan na sakop ng programa.

Pin It on Pinterest