Quezon Gov. David Suarez dumalo sa pagpupulong ukol sa bird flu
Dumalo sa SPECIAL LUZON REGIONAL DEVELOPMENT COMMITTEE MEETING sa Department of Agriculture si Gov. David Suarez ukol sa kinakaharap na problema ng Poultry Industry dahil sa pagkakaroon ng Avian Influenza Outbreak sa San Luis, Pampanga. Kasama ni Governor Suarez si Provincial Agriculturist, Roberto Gajo at Provincial Veterinarian, Dr. Flomella Caguicla sa pagtitipon. Inalam sa pagpupulong at sa Bureau of Animal Industry (BAI) kung gaano na kalawak ang problemang kinakaharap hinggil sa Avian Influenza Outbreak at kung may iba pang lugar na posibleng naabot na rin ng sakit. Ayon sa mga opisyales ng ahensya, may mga lugar sa North Luzon na kanilang iniimbestigahan pa sa kasalukuyan pero ang kaso sa San Luis, Pampanga lamang ang kumpirmado.
Ipinaabot din ni Gov. Suarez sa Department of Agriculture ang problema ng mga mag-iitik ng lalawigan na nagkakaroon ng pagkalugi dahil sa hindi makapagdala ng produkto sa Visayas Region dahil sa Memorandum Circular No.9, S. 2017 ng BAI, at kung maaaring pag-aralan pa ng ahensya kung paano mababawasan ang epekto ng problema sa mga lugar na hindi naman apektado ng Avian Influenza gaya ng Lalawigan ng Quezon.
Binigyang direktiba rin ng Gobernador ang Office of the Provincial Veterinarian upang paigtingin pa ang Veterinary Quarantine Checkpoint upang hindi makapasok ang mga walang kaukulang papeles at dokumento na mga live wild and domestic poultry, poultry products and byproducts at iba pang posibleng magdala ng virus sa lalawigan. Patuloy din na pagsasagawa ng surveillance at monitoring sa mga bahagi ng lalawigan na kalimitang binibisita ng mga migratory birds.