News

Sama-Badjau Community sa Barangay Dalahican, pininsala ng nagdaang bagyo

Matindi ang sinapit ng Sama-Badjau community sa Barangay Dalahican sa Lucena City sa hagupit ni Bagyong Paeng. Sinira ng malakas na hangin at malalaking hampas ng alon ang kanilang mga bahay na malapit sa baybaying-dagat.

Kwento ni Najare Mohammad, malupit ang sinapit ng kanilang maliit na komunidad, winasak ng bagyo ang kanilang mga tirahan at pangkabuhayan.

“Yoong mga bahay nasira, walang natira ang mga bangka, naputol hindi nakuha, siguro mga lima lang natira tapos iyong iba nadala lahat malakas ang bagyo, malakas ang alon,” kwento ng Sama-Badjau na si Najare Mohammad.

Sa tala ng barangay wala naman casualty sa mga ito kaagad silang nailikas sa evacuation center. Kaagad ding nagsagawa ng assessment ang National Commission on Indidenous Peoples na nakabase sa Lucena City.

Tinatayang hindi bababa sa 400 na indibidwal ang apektado at nasa 80 na kabahayan ang napinsala at mahigit 40 na kabahayan ang tuluyang nasira o na-washout.

Kaagad silang nakipag-ugnayan sa pamunuan ng barangay at lokal na pamahalaan sa ano mang posibleng maitulong sa mga ito.

Apat na araw na namalagi sa evacuation center ng barangay ang mga sama-badjao na apektado ng bagyo, halos lahat sa kanila wala ng tirahang babalikan.

Noong umaga ng November 4, inilipat na sila sa isang health facility ng lokal na pamahalaan sa bahagi ng Barangay Kanlurang Mayao para raw sa mas maayos na pasilidad.

Ang lugar kung saan sila nakatira na malapit sa dagat ay lubha raw mapanganib sa mga ito sakaling may sakuna gaya ng bagyo. Napagkasunduan ng barangay, LGU at ng komisyon ng mga katutubo sa Lucena City na hindi na sila pinapayagan manirahang muli sa kung saan sila dating nakatira.

“Hinahanapan sila kung saan sila pwedeng ilagay kasi bawal na sila doon sa coastal area natin. Napakadelikado kita n’yo naman ang nangyaring insidente ng bagyo, hindi na sila ina-allow na manirahan uli doon o magtira so ngayon ang option po ng LGU, NCIP ay hanapan sila pwede o kaya naman po ay ‘yung iba po, magkakaroon po ng Balik Probinsya Program,” sabi ni Kapitan Roderick Macinas ng Barangay Dalahican, Lucena City.

Bagay na dapat dapat na maunawaan ng mga Sama-Badjau, sabi NCIP.

“Pinagbabawalan po natin sila na makabalik sila sa kanilang lugar kasi very risky na po sa kanila sa hahanapan po natin sila ng tamang lugar at ito ay unti-unti nating ipapaliwag na para matanggap rin po nil ana hindi sila pwdeng bumalik sa lugar,” ani Rosita Liwagon ng NCIP Lucena CSC.

Sa ngayon ay prayoridad raw na mailagay muna sila sa maayos na lugar upang maiwasan ang pagkakasakit lalo na ng mga bata.

Sa kung anong konkretong plano, patuloy pang raw na pinag-aaralan at hinahanapan ng solusyon.

Ang inaalala ng ilang sama-badjau ay kung paano ang kanilang hanapbuhay sa dagat na nakasanayan at nakasanayang pamumuhay.

Pin It on Pinterest