News

Sama-Bajau, lubos na naapektuhan ng bagyong Paeng; posibleng relokasyon pinagusapan

Hindi pa man tapos ang pinagdadaanan ng mga Sama-Bajau ng Brgy. Dalahican, Lucena City sa pagkakaroon ng kaso ng mga diarrhea at dehydration na nagdulot ng pagkasawi ng ilan sa kanila.

Sa pagtama ng Bagyong Paeng sa buong lalawigan ng Quezon, muling sinubok ang Sama-Bajau matapos masalanta ang kanilang mga tahanan.

Halos walang natira sa mga kabahayan na yari sa light materials gaya ng sawali, anahaw, kawayan at iba pa matapos itong masira at ma-washout noong kasagsagan ng bagyo.

Kasalukuyan pansamantalang nasa Evacuation Center ng Dalahican ang mga nasalanta na katutubong Sama-Bajau na nakatakda na ding ilipat sa isang health facilities.

Tinayang mahigit 400 na indibidwal ang apektado, nasa 80 na kabahayan ang napinsala at mahigit 40 na kabahayan ang tuluyang nasira o na-washout.

Agad naman na nagtungo ang National Commission on Indigenous Peoples – Lucena Csc sa pangunguna ni CDO III Rosita Liwagon upang alamin ang kanilang sitwasyon at kalagayan.

Kinausap naman ng pamunuan ng Sama-Bajau ng Dalahican ang CDO III ng Lucena CSC upang ipaabot ang kanilang mga pangangailangan at paglapit ng tulong sa Pamahalaang Lokal ng Lucena.

Samantala nagkaroon ng coordinative meeting ang NCIP Lucena Csc, City Administrator ng Lucena na si Mr. Anacleto Alcala, Jr., at Chairman Roderick Maciñas ng barangay Dalahican, kasama ang ilang mga katutubong Sama-Bajau.

Pinagusapan sa pulong ang agarang mga pangangailangan at pang matagalang solusyon patungkol sa mga kinakaharap na suliranin ng mga nasalanta na Sama-Bajau sa Lucena City.

Tinitingnan rin ang pagsasakatuparan ng relokasyon ng mga Sama-Bajau, dahil ang kinatatayuan ng kanilang pamayanan ay nasa lugar na mataas ang tyansa na magkaroon ng daluyong o surge ng dagat kapag may mga bagyo.

Pin It on Pinterest