Satellite internet, ini-activate ng DICT sa Catanauan
Patuloy ang Department of Information and Communications Technology Calabarzon sa pagkokonekta sa mga komunidad sa lalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng internet.
Ini-activate kamakailan ng DICT Calabarzon sa PAGCOR Multi-Purpose Evacuation Center sa Catanauan, Quezon ang very small aperture terminal (VSAT) satellite internet connectivity.
Ang VSAT ay nagsisilbing data communication o internet access sa panahon ng kalamidad kung kailan karaniwang bagsak ang mga telecommunication signal.
Magagamit ito sa pagpapadala at pagtanggap ng datos, voice at video signals sa pamamagitan ng satellite communication network na malaking tulong sa disaster and emergency response.
Ayon sa DICT, malaking bagay ang lokasyon ng bayan ng Catanauan na matatagpuan sa gitna ng Bondoc Peninsula sa mabubuong network at pagkonekta sa mga komunidad sa panahon ng sakuna.
Mayroon nang ibang yunit ng Very Small Aperture Terminal (VSAT) na naitayo ng DICT Calabarzon sa Quezon kabilang ang nailagay sa bayan ng Alabat nitong Enero.