Security measures sa Holy Week, kasado na ng Tayabas City PNP
Nagsimula ng magbantay ang mga kapulisan sa Lungsod ng Tayabas para sa darating na Linggo, April 2, bilang paghahanda sa darating na Holy Week o Semana Santa.
Ayon kay PLTCOL Bonna Obmerga, ang hepe ng Tayabas City Police Station, nasa 85% ng personnel ng Tayabas PNP ang nakatakdang ideploy sa iba’t ibang bahagi ng siyudad partikular sa mga matataong lugar habang ang ibang PNP naman ay mananatili sa police station.
“85% ay ilalabas natin tapos ang 15% dito lang sa loob pati yung mga resort, yung ating sa palengke, lalo na sa simbahan.”
“Magkakameron kami ng deployment ng ating kapulisan so lalagyan din natin ng force multiplier at kung saan pe-pwesto ang ating mga traffic enforcer at kung sino ang mga dapat kontakin sa mga sa bawat sector.”
Ang Semana Santa ay magsisimula sa Linggo, April 2 at magtatagal ang pagbabantay ng Tayabas PNP hanggang Linggo ng Pagkabuhay, April 9.
Una nang nagsagawa ng pagpupulong nitong Miyerkules, March 29 ang mga ahensya ng lokal na pamahalaan ng Tayabas para sa paggunita ng Semana Santa upang matiyak ang mahigpit na seguridad.
“Nagkameron tayo ng pagpupulong kasama ang ating CDRRMO, force multiplier, ang traffic enforcer kaugnay doon sa ating darating na selebrasyon.”
Kaugnay nito, ikinatuwa raw ni Obmerga ang patuloy na suportang ibinibigay ni Mayor Lovely-Reynoso Pontioso sa mga kapulisan.
“Nakakatuwa nga ang ating minamahal na Punong Lungsod na si Ma’am Lovely-Reynoso Pontioso ay talagang nakasuporta pati ang budget pangkaen ng ating kapulisan ay nag-allot siya ng budget.”
Nananatili namang walang namomonitor na anumang banta sa seguridad ang PNP para sa paggunita sa Semata Santa.