News

Seguridad sa pantalan ng Batangas, pinaigting

Pinaigting ng Philippine Coast Guard ang seguridad sa pantalan sa Batangas bilang bahagi ng hakbang para sa ligtas na biyahe ngayong kapaskuhan.

Pagpasok pa lang ng passenger terminal, bubungad na ang mga Coast Guard K9 teams para inspeksyunin ang bagahe ng mga pasahero.

Nag-iikot din ang mga ito sa mga naglalakihang truck na naglalaman ng iba’t-ibang kargamento. Ito ay para walang makalusot na iligal na droga at iba pang ipinagbabawal na produkto sa pantalan.

Makikita rin sa Batangas Port ang mga Coast Guard medical teams na naka-standby sa Malasakit Help Desk para agad na maka-responde sa pangangailangan ng mga biyahero.

Panawagan ni PCG Station Batangas Commander, CG Captain Victorino Acosta IV sa publiko, makiisa sa mas pinahigpit na regulasyon sa pantalan para sa kanilang kaligtasan at seguridad ngayong panahon ng kapaskuhan.

Samantala, naglabas ng advisory nitong Linggo ng umaga ang Coast Guard Station Batangas para sa pagkansela sa mga biyahe ng maliliit na sasakyang pandagat dahil sa lakas na hangin.

Pin It on Pinterest