Seminar para sa pangangalaga sa mga bata muling isinagawa sa bayan ng Pagbilao, Quezon
Kaugnay ng programa ng Pamahalaang Bayan ng Pagbilao sa pagpapatatag ng pamilyang Pagbilawin, muling nagsagawa ng Seminar on Responsible Parenthood ang pamahalaang bayan sa Sentrong Pangkabuhayan Auditorium na sinimulan noong Setyembre a-trese hanggang ngayong araw ng Biyernes Setyembre a-kinse. Tinatalakay sa seminar ang mga responsibilidad ng ama at ina sa kanilang mga anak, gayundin sa isa’t-isa bilang mag-asawa. Tinatalakay rin dito ang mga paraan at kahalagahan ng responsableng pagpapalaki ng mga magulang sa kanilang mga supling.
Sa kanyang mensahe ni Pagbilao Mayor Shierre Ann Palicpic sa mga nakiisa sa Seminar ngayong araw ay sinabi nitong malaki ang naitutulong ng mabuting pagmamagulang upang lumaking may mabuting pag-uugali, magandang pananaw sa buhay at takot sa Diyos ang mga kabataan. Kabilang sa mga dumalo sa seminar ang mga benepisyaryo ng Social Protection Program, magulang ng day care children, at magulang ng mga mag-aaral sa elementarya.