Smart, naglagay ng SIM registration booths sa 2 bayan ng Quezon
Nagtayo ng SIM registration booths ang Smart sa dalawa pang bayan sa Quezon para tulungan ang mga subscriber nito na makapagrehistro ng kanilang mga SIM.
Isa ito sa mga hakbang ng mga telecommunication companies at National Telecommunications Commission o NTC upang mas mailapit sa lahat ng sektor ang SIM card registration, partikular sa mga senior citizen at mga walang access sa internet.
Sa bayan ng General Luna, nakalagay ang Smart booth sa Municipal Hall grounds na aarangkada simula ngayong Lunes hanggang sa Miyerkules, Enero 18, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.
Aarangkada rin sa parehong petsa ang SIM registration booth ng Smart sa bayan ng Real na nakatayo naman sa 2nd Floor ng kanilang Municipal Government Center.
Nagpaalala nitong Huwebes ang Department of Information and Communications Technology o DICT sa publiko na hanggang April 26 lamang ang registration ng mga SIM.
Ang mga SIM anila na hindi maipaparehistro hanggang sa nasabing petsa ay madi-deactivate.
Nagpapaalala rin ang ahensiya na sa mga lehitimong website lang magrehistro.
Sa datos ng NTC nitong ika-11 ng Enero, aabot na sa higit 17 milyon ang registered SIM cards sa bansa, kung saan higit 8 milyon dito ang naitala sa Smart, higit 7 milyon mula sa Globe, habang nasa 1.5 milyon naman sa DITO Telecommunity.