Sports Complex sa Tanuan City, Batangas, malapit nang umpisahan
Nakipagpulong si Tanauan City Mayor Antonio Halili kasama si Tanauan City Planning Officer Aissa Leyesa sa mga representante ng Department of Public Works and Highways para sa planong pagpapatayo ng isang Sports Complex ng Lungsod. Balak na ilagay sa Barangay Darasa ang Sports Complex na mayroong iba’t ibang pasilidad na magagamit ng mga residente ng Tanauan sa iba’t ibang kaganapan. Base sa plano, magiging kumpleto ang pasilidad para sa iba’t ibang sports, kasama rin ang isang oval track at espasyo para sa parking ng mga sasakyan ng mga bibisita sa lugar.
Ayon sa lokal na pamahalaan, isa sa mga pangunahing proyekto ni Mayor Halili ang pagkakaroon ng Sports Complex ng Lungsod. Nagpahayag din ang lokal na pamahalaan na kasama ring pag-aaralan ng gobyerno ang aprehensyon ng ilang residente ng Tanauan City na magdudulot ito ng pagsikip ng daloy ng trapiko sa bahagi ng Brgy. Darasa dahil sa kasalukuyan ay ma-traffic na anila sa lugar.