News

Sunod-sunod na bawas presyo sa langis, maraming tsuper ang hindi kuntento

Nananatili pa rin na mataas ang presyo ng produktong petrolyo sa kabila ng nangyaring sunod-sunod na bawas presyo.

Maraming tsuper ang hindi pa rin kuntento sa nangyayaring oil price adjustment kahit na apat na sunod nang nagkaroon ng tapyas sa presyo ng langis. Nananatili pa rin daw na walang halos kinikita ang mga pumapasadang jeepney driver sa Lucena City. Mabigat pa rin daw na pasanin nila ang sobrang mahal ng presyo ng krudo, malayo raw ito kumpara noon.

“Kumbaga sa 100% ang binababa pa lang nila wala pang kalahati eh. Dati magkano lang ‘yan, 37-47 ganoon, magkano na ngayon, 60?,” sabi Orlando.

Sabi ng jeepney driver na si Orlando kahit bumaba man lang sana sa P55 ang kada litro, may kikitain na daw sila kahit paano sa maghapong pamamasada.

“Kahit umabot man lang 55, may kikitain na. Sa ngayon kumikita lang naman kami halos konti lang, dati nakakapagkarne, ngayon wala ng karne dahil sa taas ng krudo, sa krudo lang napupunta,” dagdag pa ni Orlando.

Bunsod ito ng nangyaring oil price rollback kung saan higit P3 ang ibinababa sa kada litro ng diesel. Sa isang kilalang gasolinahan sa Quezon Avenue sa Lucena City, higit piso naman ang tinapyas sa kada litro ng gasoline.

“Ang ibinababa po namin ay mahigit tres, pang limang sunod na po,” sabi ng pump attendant.

Umabot ng P3.20 hanggang P3.50 ang ibinaba sa presyo ng diesel kada litro. Nasa P2.60 hanggang P2.90 naman ang ibinaba sa presyo ng gasolina kada litro ng oil price rollback sa maraming gasolinahan sa bansa.

Mainam na rin kahit paano, ayon sa ilang jeepney driver. Pero kailangan pa rin daw na maibaba ito upang kahit paano may maiiuwi man lang ng malaking kita para sa pamilya nang hindi naman halos sa krudo na lamang napupunta ang kanilang maghapong pamamasada, nang hindi naman daw matalo sa pagod sa gitna ng kalsada, umulan at umaraw.

Pin It on Pinterest