News

Sunod-sunod na taas presyo sa Langis, inaasahan na raw ng mga Tsuper

Epektibo kaninang umaga Jan. 24, 2023, ipinatupad ng maraming kompanya ng langis ang bigtime oil price hike.

Bagay na dagdag pasanin na naman daw sa tsuper sa Lucena City, pero hindi na daw sila nagulat sa tila nakakalokong sitwasyon na ito sabi ng jeepney driver na si Arnel.

“Parang niloloko na tayo e, taas-baba kapag nag baba kakaunti kapag nagtataas ay ang laki,’’ sabi ni Arnel

Sa nangyayaring oil price adjustment, sabi tuloy ng ilang tsuper tila ang malalaking kompanya na ng mga langis ang nagmamando ng presyo, mas marami ang pagtaas kompara sa rollback, wala raw magawa dito ang tsuper.

‘’talagang sila na pati ang nasusunod ‘yong mga malalaking yan wala tayong magagawa”

Kagaya raw noong nakaraang taon, inaasahan na raw ngayon ng mga tsuper ang patuloy na dagdag presyo sa produktong petrolyo.

“Magsusunod sunod na, asahan na yan tayo ay wala ng magagawa diyan”

“Mas marami yoong taas kaysa baba”

₱2.80 ang dagdag-presyo sa gasoline, ₱2.25 sa diesel at ₱2.40 sa kerosene ang ipinataw sa presyo ng maraming kompanya ng langis.

Ang taas presyo sa petrolyo ay bunsod ng pagtaas ng demand nito sa China kasabay ng muling pagbubukas ng kanilang ekonomiya at ng katatapos lamang na Chinese New Year.

Sa mahal ngayon ng presyo nito, ilang gasolinahan sa Lucena City ang hindi nagsasalin sa mga parokyano ng halagang 50 pesos, bagay na pwede pa noon.

Pin It on Pinterest