News

Surgical Caravan sa Quezon Medical Center, muling umarangkada

Upang patuloy na masolusyonan ang mga medikal na suliranin ng bawat mamamayan sa Lalawigan ng Quezon, muling umarangkada sa ikatlong pagkakataon ang Surgical Caravan na isinagawa sa Quezon Medical Center o QMC nitong Lunes, April 24.

Ito’y bilang hakbang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pangunguna ni Governor Doktora Helen Tan.

Sa pamamagitan nito, mabibigyan ng libreng operasyon ang may mga problema sa kindey, may bato sa apdo, luslos, at iba pang sakit mula April 24 hanggang April 28 sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan sa Philippine Heart Center, East Avenue Medical Center, Philippine College of Surgeon Southern Tagalog, Quezon Medical Society, at National Kidney and Transplant Institute.

Gamit ang nilaang pondo ng iba’t-ibang institusyon ay nagkaroon naman ng blessing ng bagong Laparoscopy Tower ang nasabing ospital, na kung saan inihayag ni Gov. Tan na malaki ang kontribusyon ng medikal na kagamitan na ito upang mapadali ang proseso para sa malinaw na biswal at dokumentasyon ng mga operasyon.

Samantala, tinalakay naman ni Chief of Hospital Dr. Juan Eugenio Fidel Villanueva ang patungkol sa mga medikal na aktibidad na naganap noong nakaraang linggo, nabibilang dito ang walkthrough sa iminumungkahing ekstensiyon ng X-Ray Laboratory at ang pagsasaayos ng Emergency Room.

Pin It on Pinterest