News

Tagkawayan, Quezon, most outstanding coastal community sa buong CALABARZON

Binigyang parangal at plake ng pagkilala ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources 4A ang bayan ng Tagkawayan, Quezon bilang Regional Winner sa ginanap na Malinis at Masagang Karagatan o MMK Regional Search for the most Outstanding Coastal Community CY 2022.

Ang MMK ay isa sa mga pangunahing programa ng Department of Agriculture sa pamamagitan ng BFAR, na naghihikayat sa mga baybaying komunidad ng Pilipinas na pangalagaan, pagyamanin at maayos na pangasiwaan ang kani-kanilang mga karagatan at yamang-pampangisdaan.

Bilang nanalo sa MMK Regional Search wagi ng P2,000.000.00 ang naturang bayan sa dalawang magkasunod na taon 2021 at 2022 sa nasabing patimpalak na naglalayong itaguyod ang implementasyon ng No Illegal Fishing, Mangrove Protection at Rehabilitation at Clean Coastal Waters.

Samantala, ang Tagkawayan ang siyang kakatawan sa rehiyon ng Calabarzon sa gaganaping patimpalak ng MMK sa national level. Dahil dito, masusing sinuri nila MMK Focal Person Sonia O. Elloso at MMK Secretariat Cyrus T. Saraza at Joanna Marie J. Funtanilla ang ipapasang scrapbook at audio-visual presentation ng munisipalidad.

Ito ay upang mapag-aralan, malaman at makapagbigay pa ng suhestiyon ang mga Regional Validators para sa mas maganda at maayos na ‘entry’ na isusumite sa national level ng MMK.

Pin It on Pinterest