Tanauan City Hall nakalipat na sa kanilang bagong gusali
Naging maayos at matagumpay naman ang ginawang paglipat ng mga opisina ng Pamahalaang Panglungsod ng Tanauan sa bago nitong gusali, July 3, Araw ng Lunes. Bukod sa mga empleyado at opisyal ng pamahalaang panlungsod ay dinaluhan din ang okasyon ng iba’t ibang grupo at organisasyon sa Tanauan City. Nakiisa ang Tanauan Alliance of Evangelical Ministry, grupo ng mga senior citizens, Kalipi, Erpat at iba pang mga asosasyon sa lungsod. Ikinatuwa naman ng mga empleyado ng Tanauan ang kanilang mga bagong opisina sa mas malaki at kagagawang Tanauan City Hall. Kasama rin ang mga empleyado ay pinangunahan ni Mayor Antonio Halili at Vice Mayor Jhoana Corona ang pagi-inspeksyon at pagbisita sa bawat opisina ng bagong city hall.
Ang bagong City Hall ay nakatayo sa lupang idinonate sa pamahalaang panglungsod na may sukat na mahigit labing dalawang ektaryang lupain. Mula naman ang pondo sa inutang ng lokal na pamahalaan sa Land Bank of the Philippines.
Balak naman samantala ng Local Government Unit ng Tanauan na gawing community hospital ang dating city hall nito upang makatulong sa mga kababayang kapos sa kakayahang pinansyal na magpagamot sa mga probadong ospital.