Tanauan City mas pinaigting ang information dissemination para sa Dengvaxia vaccine
Pinaigting ng pamahalaang lungsod ng Tanauan ang information dissemination kaugnay ng dengvaxia vaccine immunization sa ginanap na Local Health Board meeting noong nakaraang araw. Ayon kay Mayor Antonio Halili, dapat na masiguro ang kaligtasan ng nasa 2,300 mahigit na kabataan sa Tanauan City na sumailalim sa “school-based anti-dengue immunization program” na ipinatupad ng Department of Health noong 2016. Kaugnay nito, iniatas sa mga kawani ng Tanauan City Health Office ang pag-alam kung ilan sa bilang ng mga kabataang nabigyan ng vaccine ang hindi pa nagkakaroon ng dengue upang maipatawag ang mga magulang at mabigyan ng sapat na kaalaman ukol dito. Ipinagbigay-alam din na kung sakaling makikitaan ng mga magulang ng anumang sintomas ang kanilang mga anak ay agaran itong dalhin sa pinakamalapit na center o pagamutan upang maeksamin at mabigyan ng kaukulang lunas.
Kaugnay nito, bilang preventive program ng City Health Office, patuloy naman ang paglulunsad ng clean up drive sa mga barangay. Sa tala ng CHO, may 14 na kaso ng dengue mula sa mga nabakunahan ng Dengvaxia ang naitala kung saan dalawa lamang dito ang naospital dahil agad na nalunasan ang karamihan. Matatandaang naging kontrobersyal ang Dengvaxia vaccine matapos ianunsyo ng Sanofi Pasteur na siyang gumagawa ng naturang produkto ang kanilang bagong findings ukol sa epekto nito kung saan magbibigay proteksyon ito sa loob ng anim na taon sa mga batang nagkaroon ng dengue subalit makapagdudulot ng mas malubhang kaso ng dengue sa mga nabakunahan na hindi pa nagkakaroon ng sakit na ito.