Opinion

Tapos na ba ang laban, Ka Nene?

Hindi po ako kilala ng taong sa umagang ito ay ninais kong bigyan ng pagpapahalaga sa pribelehiyong oras natin sa Sangguniang Panlungsod. Dahil kung ang pag-uusapan ay talino at husay, galing at tapang, patriotismo at kagitingan, katapatan at karanasan – siya ay isang Pilipinong dangal ng lahi at ng bansa!

Ginoong tagapangulo ng presidyo, mga mahal na kasama sa kapulungan, mga kamanggagawa sa konseho, sa ating mga panauhin ngayon sa Sanggunian, mga kababayang Lucenahin – ang tinutukoy ko po ay ang yumao noong araw ng Linggo, ika-20 ng Oktubre ngayong taon, sa edad na 85 – AQUILINO “NENE” PIMENTEL JR. – ang matapat at dedikadong lider ng pulitika at demokrasya sa Pilipinas!

Hindi man niya ako kilala, karangalan pa rin na kilala ng bansa si Nene Pimentel…

Tignan natin ang tala:

Mula sa isang “promdi” na pamilyang pulitikal sa Cagayan de Oro na naging delegado sa Constitutional Convention ng 1971 si Ka Nene. Nanindigan laban sa diktadurya nang ideklara ni Marcos ang Martial Law noong Sept. 21, 1972. Ipinakulong ng diktador noong 1973 at pinalaya sa tatlong buwang nakalipas sa panahong lalagdaan na ang konstitusyon. Hindi ito lumagda sa harap ng banta ng muling pagkakakulong at nananatiling kritikal sa diktador. Nag-abugado pa sa mga magsasaka at maralitang lungsod na inapi ng Martial Law.

Kasama ni Ninoy Aquino at iba pang makabayang personalidad ay kumandidato sa Interim Batasan election noong 1978 sa Metro Manila, sa ilalim ng Lakas ng Bayan o LABAN katapat ng KBL o Kilusan ng Bagong Lipunan ni Marcos. Nalalos ang grupo ng Laban, ngunit hindi tumigil sa pag-protesta sa malawakang pandarayang naganap. Nakulong muli ng may dalawang buwan si Pimentel.

Pero hindi magawang busalan ng rehas ang bunganga nito, manapa’y nagpatibay pa sa hangaring ipaglaban ang demokrasya, kalayaan at malayang halalan! Kaya naman ng magpa-eleksyong lokal si Marcos noong 1980 ay nilabanan nito ang panlaban ng diktaduryang Marcos na KBL sa Cagayan de Oro. Niyakyakan ni Nene Pimentel at ng buong tiket niya ang mga alagad ni Makoy.

Ginawa namang impyerno ni Marcos ang panunungkulan nina Pimentel sa CDO. Noong 1981, habang nasa limang (5) linggong pagsasanay si Mayor Pimentel sa Estados Unidos ay pinatalsik siya sa pwesto ng COMELEC sa bintang na “political turncoatism” at ipinalit ang talunang kandidatong mayor ng KBL. Sumabog sa malawakang demonstrasyon ng mga Cagayanon ang tila ‘people power’ na pagkilos ng mamamayan dito kahit pa sa mapaniil na gobyernong Marcos.

Nabalisa ang diktador sa paglalabasan ng mga balita at larawan ng protesta dito. Pinakalma ang sitwasyon sa pagbabalik muli kay Pimentel bilang mayor ng Cagayan de Oro!

Pero noong 1983, inarestong muli si Pimentel sa kasong rebelyon! Nagbigay daw umano kasi ng 100 piso sa isang kumander ng NPA! Kung saang-saang kampo raw siya itinago ng militar noon, pero wala raw nagawa sa mga daan-daang supporters ni Nene na dumadalaw kapag nalaman ang kanyang kinalalagyan na higit pang nagpataas ng moral ng freedom fighter.

Pinalayang muli, pero muling inaresto sa mga gawa-gawang kaso, na sa huli’y inilagay sa house arrest ng halos pitong (7) buwan.

Hindi pa rin napigil ng panggigipit ni Marcos si Pimentel. Inilunsad nito ang kandidatura bilang Assemblyman sa Batasang Pambansa at noong 1984 ay nagwagi pagkalipas nang pag-paslang kay Ninoy noong 1983. Pinerwisyong muli ni Marcos sa alegasyon ng umano’y pandaraya sa halalan! Walang sawang kulong-laya ang inabot ni Pimentel kay Marcos.

Ang walang sawang panggigipit ng diktador ay tinatapatan ni Pimentel ng walang sawa ring pakikibaka. Laban kung laban!

Naging kabalikat na rin si Pimentel ni Cory Aquino laban sa diktador. Noong lumaban sa panguluhan noong 1985 ang biyuda ni Ninoy ay inalok si Pimentel para maging katambal na kandidatong Bise Presidente. Gayunma’y nagbigay sa huli si Nene upang mabigyan ng pagkakataon ang isang unity ticket nina Cory at Doy Laurel.

Siyempre, alam na natin kung ano ang ginawa ni Marcos, na sa huli din naman ay hindi umubra  sa People Power ng 1986 ang ginawang pandaraya nito sa eleksyon. Naupo si Cory Aquino bilang presidente at si Nene sa iba’t ibang posisyon sa kanyang administrasyon.

Tumakbong senador sa unang eleksyon sa panahon ni Cory si Pimentel. Bukod sa iba pang mga signipikanteng mga batas na naipasa nito ay naisabatas din niya ang batas na napaka-importante sa ating lokal na pamahalaan – ang Local Government Code of 1991 na pinagsimulan ng awtonomiya ng gobyernong lokal at desentralisasyon mula sa nasyunal na gobyerno. Nagsulong ito ng ibayo pang pag-unlad ng mga lokalidad.

Natalo si Pimentel noong 1992 sa pagka-bise presidente. Nang bumalik ng 1995 sa Senado ay natalo rin, pero bunsod ng kanyang noo’y Dagdag-Bawas expose sa pandaraya sa eleksyon ng ilang pulitiko ay tumaas ang paghanga ng bansa at ibinalik siya sa senado noong 1998 para sa labing dalawang (12) taong termino.

Lalo pang nasubok ang integridad ni Nene Pimentel ng ito’y maging Senate President. Sa kasukdulan ng impeachment ng noo’y Pangulong Joseph Ejercito Estrada ay kasama si Nene sa siyam (9) na senador na bumoto sa pagbubukas ng noo’y kontrobersyal na 2nd envelope na naglalaman raw ng incriminating evidence laban kay Erap, pero labing isa ang bumoto, na huwag itong buksan! Nadismaya sa pangyayari si Pimentel at biglaang nag-resign bilang Senate President noong June 2001.

Noong June 2010, nagretiro sa pulitika si Nene Pimentel makatapos ang kanyang ikatlo at huling termino bilang senador. Pero ang totoo, sa posisyon lang umalis si Ka Nene. Hindi niya iniwan ang pulitika sa paggigiit ng noon pa’y pinaniniwalaan niyang pederalismo. Sayang lang at hindi na natin matatanong sa kanya – “tapos na ba ang laban, Ka Nene?”

Sa pagkakataon pong ito Mr. Presiding Officer, mga kasama… sa harap ng katangi-tanging paglilingkod ng isang dakilang Pilipinong lider na ito… hindi naman marahil kalabisan na hilingin kong maghandog tayo ng isang masigabong palakpakan para kay – Aquilino “Nene” Pimentel Jr.

Salamat po.

Pin It on Pinterest