Tayabas City PNP siniguro ang seguridad sa pagdiriwang ng Mayohan Festival
Kasado na ang security plans ng Tayabas City Police Station sa pagdiriwang ng Mayohan Festival 2023 sa lungsod, ayon sa hepe ng Tayabas PNP na si PLTCOL. Bonna Obmerga.
Isang pagpupulong ang isinagawa ng lokal na pamahalaan ngayong Biyernes para sa ipatutupad na seguridad sa pagdiriwang ng Mayohan Festival upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa lungsod.
“Ang preparation kanina katatapos lang ulit ng meeting together with the tourism at tsaka yung mga LGUs pinaghahandaan natin yung security syempre na yun ang naka-task sa atin sa kapulisan.”
Ayon kay PLTCOL. Obmerga, nasa 85% na pulis ang ide-deploy para matiyak ang seguridad ng mga dadalo sa pagdiriwang.
Aniya, katuwang nila sa pagbabantay ang mga force multiplier upang magbigay seguridad sa pagdiriwang ng Mayohan Festival.
“Oo kasado na pati deployment at syempre laging katuwang natin yung ating mga force multipliers na nakakatuwa na napakadaming willing na sumama sa pagduty para full force na nasa labas yung ating kapulisan para malaman na safe na yung Lungsod ng Tayabas.”
Dagdag pa nito, simula Mayo 5 hanggang Mayo 15 may naka-deploy na silang mga pulis upang tiyakin ang kaligtasan ng mga dadalo sa pagdiriwang.
May nakatalaga rin silang Police Assistance Center na maaaring pagsumbungan.
May paalala naman ang Tayabas PNP sa mga dadalo sa Mayohan Festival upang makaiwas sila sa mga kawatan at hindi sila mabiktima ng mga ito.
“So simple lang huwag nang magsuot ng mga ala-alahas na mamahalin, ang mga cellphone ingatan huwag basta ilagay kung saan dapat nararamdaman nila kung may mag snatch sa kanila.”