Top 8 sa CPA Board Exams pinarangalan ng Batangas Prov. Government
Binigyan ng parangal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang isang Batangueño sa nakamit nitong achievement. Binigyang parangal ng pamahalaan si Jan Michael Maglinao bilang Natatanging Pilipinong Batangueño ngayong araw June 5 dahil sa ipinamalas nitong galing na nagdagdag ng karangalan sa kanilang lalawigan. Si Maglinao ay hinirang na Top 8 sa 2017 Board Examination for Certified Public Accountants o CPA. Sa regular na Flag Raising Ceremony ng kapitolyo ng Batangas ay ibinigay kay Maglinao ang isang sertipikong nagpapatunay na kinikilala ng pamahalaang panglalawigan ang kanyang achievement na kailangang ikarangal ng lahat ng Batangueño.
Si Jan Michael Maglinao ay tubong Lipa City, na nakuha ang ikawalong pwesto sa lahat ng kumuha ng eksaminasyon bilang CPA sa buong bansa. Iskolar din ng pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang bagong CPA sa ilalim ng Batangas Province Scholarship Program. Nakakuha ito ng Gradong 90.50 sa CPA Board Exams.
Nagpahayag naman ng kasiyahan ang mga magulang ni Maglinao sa nakamit nitong pagkilala at sa pagpasa bilang Certified Public Accountant.