Trilyong pisong halaga ang matitipid ng mga Pilipino kung mayroong energy efficiency policy ang bansa –Sen. Win Gatchalian
Mula sa isa’t kalahating trilyon hanggang lima at kalahating trilyong piso ang tinatayang matitipid ng mga Pilipino sa kasunod na labing dalawang taon kung ang pamahalaan ay magpapatupad ng polisiya ukol sa pagtitipid ng konsumo ng kuryente at paggamit ng mga episyenteng materyales para dito. Ayon kay Senate Energy Committee Chairman Win Gatchalian, bukod sa trilyong pisong halaga na matitipid ng mga pinoy mula sa kasunod na taon hanggang 2030 kung maipapatupad o magpapatupad ng ganitong polisiya ang pamahalaan ay epektibo ring magpapababa ng demand ng kuryente na ang ibig sabihin anya ay mas mababang rate naman ng sinisingil dito ng mga utilities.
Kapag bumaba ang singil sa kuryente, ayon kay Gatchalian ay magkakaroon ng extra pang pera ang mamamayan na magagamit nitong pambili ng iba pang produkto para sa sarili o kanilang tahanan na makakadagdag din sa pagpapasigla ng lokal at nasyunal na ekonomiya.
Ginawa ni Senator Win Gatchalian ang pahayag ng magsalita ito sa harap ng mga delegado at miyembro ng American Chamber of Commerce of the Philippines na isinagawa sa Makati City.