Tuloy tuloy pa rin ang pagtatanim ng puno ayon sa CENRO Pagbilao
Sa eksklusibong panayam ng 99.7FM at Bandilyo TV ay ibinahagi ni Mr. Ramil Gutierrez siyang Supervising Ecosystem Management Specialist ng CENRO Pagbilao Office ang kanilang ginagawang aktibidad upang mapangalagaan ang kalikasan sa Lalawigan ng Quezon. Sinabi ni Gutierrez na patuloy pa rin ang isa sa kanilang programa na National Greening Program kung saan nagtatanim ang ahensya ng mga puno sa mga bahagi ng kagubatang nasalanta ng mga natural na kaganapan katulad ng landslide o sa pagpuputol ng iligal ng mga tao. Nagsimula anya ng 2011 na hanggang sa kasalukuyan.
Ibinandilyo pa ng Ecosystem Management Specialist na sa kanilang side o bahagi ng lalawigan ng Quezon na nasasakupan ng labing dalawang bayan at dalawang lungsod ay nakapag ambag na ang lokal na opisina ng halos sampung libong ektarya ng natanimang kalupaan. Ayon pa rin kay Ginoong Ramil Gutierrez ay magpapatuloy ang kanilang mga aktibidad dahil base anya sa kanilang tala ay mayroon paring mga lugar na kailangang taniman ng mga puno.
Upang matugunan ang adhikain ng nasyunal na pamahalaan na maipanumbalik ang sigla ng mga kagubatan sa buong Pilipinas nananawagan ang DENR CENRO Pagbilao ng pakikipagtulungan ng mamamayan upang maisumbong ang mga nagpuputol ng iligal na puno sa Lalawigan ng Quezon.