Turismo sa lalawigan ng Quezon, hindi lamang sa dami ng turista kundi pagprotekta rin ng kapaligiran –Gov. David Suarez
Hindi lamang sa dami ng mga turistang nagtutungo sa isang lugar kundi tungkol din sa pagprotekta sa kalikasan, ito ang bahagi ng pananalita ni Quezon Province Governor David Suarez sa kanyang mensahe sa katatapos pa lamang na CALABARZON Tourism Summit 2017 na ginanap sa Muntinlupa City. Para sa gobernador, isang malaking karangalan ang mabigyan ng pagkakataon na makapagsalita para sa pagtitipon na itinuturing nitong isang espesyal na parte ng kasaysayan ng lalawigan. Sa temang “Working Towards Sustainable Tourism and Building Partnerships Through Appreciation and Recognition”, nakamit ng lalawigan ng Quezon ang pagkilala bilang “Destination of the Year” award para sa 6.3 million Same-Day Tourist Arrivals sa Niyogyugan Festival noong taong 2016.
Ang Niyogyugan Festival ay patuloy na nakikilala dahil sa taglay nitong kulay at saya na nagpapamalas ng ganda ng lalawigan ng Quezon. Sa pamamagitan ng pagdiriwang na ito, naipakikilala ng pamahalaang panlalawigan sa mga turista ang mga produkto ng bawat bayan na nagsisilbing representasyon ng iba’t-ibang kultura ng kanilang munisipalidad.