Tutok-Kainan, programa ng Lucena LGU at Brgy. 10 kontra malnutrisyon
Magkatuwang na ipinatutupad ng Pamahalaang Panlunsod at ng Barangay 10 ang Programang Movement Against Malnutrition o MAMA sa ilalim ng Kainan Supplementation Program upang labanan ang malnutrisyon sa Lungsod ng Lucena.
Ang naturang programa ay naglalayong tugunan ang problema sa stunting na dulot ng malnutrisyon, mabigyan ng tamang nutrisyon ang mga bata sa siyudad.
Ayon sa ilang magulang ng benepisyaryo sa Barangay 10, malaking tulong ang ganitong programa dahil kahit papaano ay makakatipid daw sila gastusin at nakapagbibigay ng tamang nutrisyon sa kanilang mga anak.
“Ah medyo bumigat naman po nag-ano naman po siya, maganda naman po yung katawan niya na-improved naman po yung katawan niya”. Ani Mary Jane
Para naman kay Nanay Analisa, malaking bagay ito sa kanyang apo at nagkakaroon ng pagbabago sa timbang.
“Okay naman nakakatulong sa mga bata, nakakakain siya, araw araw nakain at nakakadagdag ng timbang”. Saad ni Analisa
Ayon kay Kapitan Arnel Magbanlac, nasa 23 mga bata ang nasa ilalim ngayon ng programang MAMA upang masolusyunan ang malnutrisyon sa lugar.
“Bilang tulong na rin sa aking mga kabarangay na ito pong programang MAMA ay makatulong na rin sa aking barangay sa ating mga batang mga beneficiaries, so ako po ay may 23 benefeciaries na mga bata”. Pahayag ni Magbanlac
Aniya, upang matiyak na nagkakaroon ng pagbabago sa timbang ng mga batang malnourished ay tuwing Lunes gagawin ang pagtitimbang sa kanila.
“So ito naman ay para mas maging maganda so siguro every Monday ay ating titimbangin ang mga bata para makita natin kung ito baga ay posibleng tumaas or may kulang pa para mabigyan natin ng importansya ang mga batang ito”. Dagdag pa ni Magbanlac
Una nang binigyan ng punong barangay ng tig-iisang tray ng itlog ang bawat benepisyaryo upang matiyak ang nutrisyon ng mga bata.
Sa ngayon ay nasa ika-limang araw pa lamang ang programa sa kanilang barangay.
Tatagal ito hanggang 30 araw sa nasasakupan na layong punan ang pangangailangan sa nutrisyon ng mga batang edad lima pababa.