News

‘Ugnayan sa Barangay’ upang maiwasan ang sunog, ilulunsad ng BFP Lucena

Faulty electrical wiring, unattended cooking at paglalaro ng posporo o lighter ng mga bata sa bahay ang madalas na nagiging sanhi ng sunog na pumipinsala sa mga ari-arian at kung minsan ay sa buhay ng tao.

Ayon kay FSupt. Aurello Zalun, ang City Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection – Lucena City, upang higit pang mamulat ang kaalaman ng marami sa pinsalang dala ng sunog at kung paano ito dapat na maiwasan, ngayong taon ilulunsad ng BFP Lucena ang programang ‘Ugnayan sa Barangay’, isang intensified fire prevention information campaign kung saan bababa sa bawat barangay ng Lucena City ang ilang BFP personnel upang i-promote ang public safety against fire na kinapapalooban ng iba’t ibang programa sa pag-iwas sa trahedyang dala ng apoy at magkakaroon din dito ng training.

Plano itong simulan sa first quarter ng taong 2023.

“Itong first quarter ay bababa ang ating mga kasamahan sa barangay may nakatalang isang bombero kada barangay na siya ‘yung magtuturo, magbibigay ng mga reminders,” sabi ni FSupt. Aurello Zalun, ang City Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection – Lucena City.

Sa datos ng BFP Lucena, kumpara noong nagdaang dalawang taon, nitong 2022, tumaas ng nasa 40% ang naitalang sunog sa Lungsod.

“Noong pandemic day kasi ang mga tao nasa loob ng bahay walang nalabas, sa ngayon kasi ang mga tao ay nagsilabasan so minsan hindi nila masecure ‘yung bahay nila nagkakaroon po ng sunog,” paliwanag ng City Fire Marshal.

Kaya ngayong taon sa mga barangay target ng BFP palakasin ang kampanya laban sa trahedyang ito.

“Kung mayroon kaming downfall noong nakaraang taon, lalo naming paiigtingin upang mabawasan itong mga insidente,” ani Zalun.

Ang kampanya laban sa sunog ay magtatagumpay raw kung makikiisa ang nasa komunidad.

Hinihikayat ng BFP Lucena ang publiko na maging mapanuri, mapagmatyag sa ano mang posibleng pagmulan ng apoy at kaagad na ipagbigay-alam sa mga awtoridad para sa ligtas na pamayanan.

Ang sunog daw ay walang pinipiling lugar, oras at panahon at ang pag-iwas dito ay concern ng lahat.

Pin It on Pinterest