Usapin tungkol sa Destructive fishing sa inner Lamon Bay, tututukan ng SP Quezon
Kaugnay sa naging Pribilehiyong Talumpati ni Quezon Province Sangguniang Panlalawigan Ex-officio Board Member Angelo Eduarte noong nakaraang regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan patungkol sa talamak na iligal na pagpasok ng mga malalaking pamalakaya tulad ng buli-buli para mangisda sa inner Lamon Bay.
Kaugnay nito, ayon kay Vice Governor Anacleto Alcala III, patuloy silang nangangalap ng mga tamang impormasyon at nakikipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan tungkol sa usapin kung paano ito mareresolba at kung ano mga hakbang na pwedeng gawin para sa higit na epektibong pagpapatupad ng mga batas pangisdaan sa inner Lamon Bay.
“Sa ngayon po isa po sa tinututukan natin yan abangan po natin pero base na rin po sa ating pakikipag-meeting sa iba’t ibang stakeholders, sa mga maliliit nating mga mangingisda, sa mga commercial fishing at sa LGU’s. Ang payo po nila ay kailangang ma-delineate muna o malaman ano ba ‘yung extent o boundaries ng ating municipal waters nung bawat bayan kelangan malaman natin kung saan ba magsisimula sa shoreline ba o sa existing island, kailangan ma-identify, kailangan malaman natin kung ano yung 10 kilometer – 15kilometer na tinatawag po”.
Aniya, base raw sa kaniyang pakikipag-ugnayan niya sa ahensya ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR at National Mapping and Resource Information Authority o NAMRIA ay hinihikayat na sumailalim ang lahat sa isang Joint Session sa pagitan ng 8 bayan sa lalawigan na nakakasakop sa Lamon Bay upang malaman ang kaniya-kaniyang sukat ng bawat municipal waters.
“Ayon na rin sa pakikipag-ugnayan sa BFAR at sa NAMRIA ito po ay hihikayatin natin ang bawat munisipyo na magkaroon ng mga joint sessions if possible nangsagayon po ay malaman natin yung sukat ng kanilang karagatan tapos secondary tsaka natin malalaman yung feasibility o possibility na ‘yung 15kilometer o 10.1 na tinatawag ho natin na mabigyan ng kaukulang ordinansa.
Noong Biyernes ng umaga, Feb. 17, 2023 pinulong ng Committee on Agriculture ang komitibang hinahawakan ni Eduarte ang iba’t ibang konsernadong ahensya at opisyal ng mga bayan na nakakasakop sa Lamon Bay para dinggin ang usaping ito upang makabuo ng ordinansang magpapahinto sa iligal na pangingisda sa inner Lamon Bay.
Sa komitibang pagdinig, batay sa mga pahayag ng mga ahensya na dumalo dito, iba’t iba ang mga inilatag na suliranin kung bakit tila hindi nahihinto ang iligal na pangingisda lalo na ng mga malalaking pamalakaya sa nabanggit na karagatan.
Ilan dito ay ang tila hindi maigting na pagpapatupad ng mga batas na may kaugnayan sa iligal na pangingisda at ibang mga issue, bagay na iimbestigahan daw upang maresolba.
Sa bahagi naman ng Law Enforcement Unit ay ang problema daw sa kakulangan ng mga sasakyang pandagat na may kakayanan na agarang humabol o tumungo sa lugar kung saan nangyayari ang illegal fishing.
Nabanggit din ang mababang multa sa pagkakahuli na kayang bayaran upang magsagawa muli ng naturang iligal na gawain na nagiging paulit ulit lamang.
Ang mga bagay na ito ay pag-aaralang daw na mabuti at hihimay-himayin upang makabuo ng isang Provincial Ordinance o lokal na batas upang matigil na sa karagatan ng probinsya patikular sa inner Lamon Bay ang mga iligal na pagpasok ng malalaking pamalakaya na labis raw na nakakapekto sa maliit na mangingisda ng mga bayang nakakasakop dito.