News

Vice President Leni Robredo, Pormal na Sinimulan sa Camarines Sur ang Kampanya sa Pagka-Pangulo

Pormal na sinimulan ni Vice President Leni Robredo ang kaniyang kampanya sa pagka-Pangulo ngayong araw, ika-8 ng Pebrero, sa isang buong araw na pagbisita sa iba’t-ibang lugar sa Camarines Sur at magtatapos sa isang grand rally sa Naga City, na kaniyang bayan. 

Inilarawan niya ang kaniyang hometown campaign bilang isang send-off at pagbibigay pugay sa mga kapwa niya Bikolano. Sa kaniyang hangaring makapagsilbi at maluklok sa pinakamataas na posisyon sa bansa, nananatiling espesyal sa kaniya ang kaniyang pinanggalingan. 

Ayon kay VP Leni, ang mahalaga sa lahat ay yung mga taong nakakakilala sayo ng lubos at hindi nadadala sa mga kasinungalingan na naririnig at ‘yun ang pinagpapasalamat ng bise presidente sa kanila.

Kapag nahalal, si Robredo ang magiging kauna-unahang Presidente ng Pilipinas na mula sa Bicol region, at ikatlo naman sa mga babaeng Pangulo ng bansa. 

Nananatiling mainit ang suporta ng mga Bikolano kay Robredo mula pa noong biglaang pagpasok niya sa pulitika noong 2012, bunsod ng pagpanaw ng kaniyang mister na si dating Naga City Mayor at Interior Secretary Jesse Robredo. 

Hindi naging madali ang panunungkulan ng Pangalawang Pangulo bilang lider ng oposisyon. Pero sa kabila ng mga pagsubok, tiniyak ni Robredo na hindi lamang siya magiging reserba, na karaniwang mandato ng isang Bise Presidente. 

Sinimulan niya ang programang Angat Buhay para tugunan ang kahirapan. Hindi siya nagpatinag sa napakaliit na budget ng Office of the Vice President (OVP), at nakipag-partner sa pribadong sektor para sa mga proyektong nakapagbibigay ng ginhawa sa buhay ng mga benepisyaryo. 

Ngayong ika-8 at ika-9 ng Pebrero, sasamahan si Robredo ng kaniyang running mate na si Senator Francis “Kiko” Pangilinan at ng kaniyang senatorial ticket sa paglibot sa Bicol region, na kaniyang balwarte, para ipahayag ang kaniyang plataporma at hinahangad na “Gobyernong tapat, angat buhay lahat”. Nakapaloob sa plano niya ang pagpapabuti sa kabuhayan, nutrisyon, seguridad, kalusugan, edukasyon, pabahay, kalikasan, imprastruktura, at teknolohiya. 

Samantala, nakahanda na rin ang tinaguriang “people’s campaign” sa iba’t-ibang bahagi ng bansa. May kani-kanilang mga programa ang mga sangay ng Robredo People’s Council (RPC), na siyang umbrella organization ng mga volunteer na nangangampanya para kay Robredo at sa kaniyang buong lineup. 

Mayroong nakatakdang mga Zumba session, noise barrage, mini-caravan, house-to-house na pangangampanya, misa, pagpo-post sa social media, at iba pang mga paraan ng pagpapakita ng suporta. Magkakaroon din ng watch party ang mga lokal na RPC para sa pag-livestream ng grand rally sa Naga City. 

Hinahangaan ni Robredo ang dedikasyon at pagsisikap na ipinapakita ng mga mamamayang nagnanais na siya ang maging susunod na Pangulo ng Pilipinas. 

Sa isang online meet and greet kasama ang kaniyang mga taga-suporta, sinabi ni Robredo na ito ang puso ng kampanya: nakikiisa ang tao at gumagawa ng desisyon na kahit gaano kahirap ang daan, ipaglalaban ang bayan.

Pin It on Pinterest