Walang programa sa pagbibigay pondo sa negosyo –DTI Quezon at Pagbilao LGU
Nagpalabas ng pahayag ang pamahalaang lokal ng Pagbilao sa lalawigan ng Quezon at ang DTI Quezon Office ukol sa lumabas anilang pekeng balita at impormasyon tungkol sa diumano’y pagbibigay ng pondo para sa pagnenegosyo. Ayon sa opisina ni Mayor Shierre Ann Palicpic ay may mga nagpapakalat anila ng mga impormasyon na ang bayan ng Pagbilao ay nagbibigay ng pondo para sa mga nais magnegosyo. Katuwang umano ng pamahalaang lokal ang Department of Trade and Industry Quezon Office sa programa. Itinanggi rin ito ng lokal na opisina ng DTI at sinabing hindi sila nagpapatupad ng anumang programa na pagbibigay ng pondo sa anumang lokal na pamahalaan para sa pagnenegosyo. Wala din anilang tauhan o kawani ang DTI na awtorisadong mangolekta ng anumang fees o charges para sa serbisyo sa pagkokonsulta sa kanila. Mayroon din daw sariling financing assisstance ang DTI sa ilalim ng Small Business Corporation na ang direktang nakakaalam ay ang mga kawani ng DTI sa kanilang mga negosyo centers.
Ang pahayag na ito ng DTI na nakuha ng Bandilyo TV ay pirmado ni DTI OIC Provincial Director Julieta Tadiosa. Nananawagan naman ang ahensya at ang pamahalaang lokal ng Pagbilao na ipagbigay alam sa kanila ang sinumang lalapit sa kanila upang mag-alok ng serbisyo ukol sa pagnenegosyo na may kaugnayan sa nabanggit upang mabigyan agad ng karampatang aksyon.