OpinionUncategorized

Ligtas na Lungsod ng Lucena: Isang Pagkilala, Hamon at Inspirasyon

Magandang araw po, kagalang-galang na Presiding Officer-Vice Mayor Dondon Alcala , mga kapwa ko miyembro ng Sangguniang Panlungsod, mga panauhin, mga miyembro ng media, mga kapwa lingkod-bayan, at sa mga mamamayang nagmamalasakit sa kapakanan ng Lungsod ng Lucena.

Bilang isang miyembro ng sanggunian at isang mamamayan ng ating Lungsod, nakaramdam ako ng pagmamalaki ng mabasa ang balitang hindi lamang karapat-dapat ipagdiwang, kundi dapat ding maging dahilan ng mas masidhing paglilingkod: Ang pagkilala sa Lucena City bilang ika-lima sa pinakaligtas na lungsod sa buong Pilipinas ayon sa  World Travel Index.

Noong nakaraang linggo, inilabas ng World Travel Index (WTI) 2025 ang kanilang taunang ulat ukol sa kaligtasan ng mga lungsod sa bansa para sa mga manlalakbay. At sa nasabing ulat, ang Lucena City ay kinilala bilang ika-5 sa pinakaligtas na lungsod sa buong Pilipinas. Isang makabuluhang pagkilala na bunga ng sama-samang pagsisikap ng lokal na pamahalaan, kapulisan, barangay, at higit sa lahat—ng mga mamamayang Lucenahin.

Paano nga ba napili ang Lucena City bilang isa sa pinakaligtas na lungsod sa buong Pilipinas para sa mga biyahero? Anu-ano ang mga naging pamantayan? Ayon sa WTI, ang mga lungsod ay iniraranggo ayon sa mga sumusunod na batayan:

Una, Safety Index na 75.24 % – base sa pinagsamang marka mula sa limang pangunahing sub‑kategorya:  kaligtasan sa araw, kaligtasan sa gabi, theft‑free (mababang antas ng pagnanakaw), drug‑free (mababang insidente ng droga), at violence‑free (mababang antas ng karahasan).

Pangalawa, gumamit ang WTI ng genyo datos tulad ng Numbeo Crime Index bilang batayan sa crime rates at personal perceptions at AI‑assisted aggregated analysis mula sa humigit‑kumulang 50 milyong travel websites at mga ulat mula sa Reddit, Quora, at iba pang platforms.

Sa madaling salita, pinagsama-sama ng WTI ang aktuwal na crime statistics  at persepsyon ng mga turista upang ma‑rank ang mga lungsod. Ito ang dahilan kung bakit mataas ang rating ng Lucena — dahil sa mababang krimen, ligtas kahit sa gabi, at kaunting insidente ng pagnanakaw, droga, at karahasan.

Hindi po basta-basta ibinibigay ang ganitong pagkilala. Bukod sa mga nabanggit, ang atin pong lungsod ay may mababang antas ng krimen (Low Crime Index), ayon sa datos mula sa Lucena City Police Station, bumaba ng 22% ang index crimes sa lungsod mula 2023 hanggang 2025. Bunga ito ng patuloy na pagpapatrolya at presensiya ng kapulisan sa mga pangunahing lugar ng siyudad. Idagdag pa natin ang epektibong emergency response system ng Lucena City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) na may average emergency response time na 7-10 minutes, isa sa pinakamabilis sa CALABARZON.

Salamat din sa mga Aktibong Barangay Peacekeeping Programs, kung saan ang mga barangay tanod at barangay-based emergency teams ay aktibo sa night patrol, curfew watch, at early conflict resolution upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng bawat pamayanan.

Pero mga iginagalang kong kasamahan, ang ganitong pagkilala ay hindi wakas kundi simula ng mas malalim na hamon. Ang pagiging ika-5 ay isang karangalan, ngunit maaari pa nating maabot ang mas mataas na antas. Kaya’t hamon ito sa ating lahat:

Sa bawat barangay na, palalimin pa ang ugnayan sa ating mga tanod, SK, at volunteers.

Sa ating mga kapulisan at emergency responders na, patuloy tayong mag-innovate at maging proactive.

Sa bawat Lucenahin na, isapuso natin ang disiplina, malasakit, at pakikiisa upang mapanatili ang ating lungsod bilang isang ligtas na tahanan para sa lahat. Huwag po nating hayaan na maging panandalian lamang ang pagkilalang ito. Sa halip, gawin natin itong tulay tungo sa higit na ligtas, higit na maayos, at higit na progresibong Lucena.

Hindi natin maaabot ang ganitong pagkilala kung hindi dahil sa masinop at responsableng pamamahala sa ilalim ni Mayor Mark Alcala, at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod katuwang ang ating kapulisan, mga barangay, at buong komunidad. Ang ating kolektibong aksyon para tiyakin ang mabilis na responde sa emergency, mababang crime rate, at maayos na pagpapatupad ng batas ang nagsilbing pundasyon ng pagkilalang ito.

Maging inspirasyon nawa ito sa bawat Lucenahin na ipagpatuloy ang pagbuo ng isang lungsod na ligtas hindi lamang sa krimen kundi maging sa sakuna, kahirapan, at kawalan ng pag-asa. Maging batayan nawa ito sa mas aktibong partisipasyon ng mamamayan sa mga programang pangkaayusan ng siyudad, lalo na sa mga grassroots level.

Para sa bawat  Lucenahin, ito ay higit pa sa isang titulo. Ibig sabihin nito ay: 

Una, Pagtaas ng tiwala ng publiko. Pinapatunayan nito na ang mga hakbang ng pamahalaang lungsod para sa seguridad, disiplina, at kaayusan ay epektibo. Nagbibigay ito ng kumpiyansa sa mga mamamayan na ang Lucena ay isang ligtas na lugar upang manirahan, magnegosyo, at magpalaki ng pamilya.

Ikalawa, Pag-angat ng imahe ng Lungsod sa Pandaig-digang Komunidad. Ang pagkilala ay nagpapalakas ng reputasyon ng Lucena sa larangan ng turismo at investment. Isa itong patunay na ang lungsod ay handang tumanggap ng mas maraming bisita, turista, at oportunidad sa negosyo.

Ikatlo, Pag akit ng mga mamumuhunan at negosyo. Ang isang ligtas na lungsod ay mas kaakit-akit sa investors, dahil mas kaunti ang operational risks.Magbubunga ito ng paglikha ng trabaho, pagpasok ng mga bagong establisyimento, at pag-unlad ng lokal na ekonomiya.

Ika-apat, Pagpapatibay sa kooperasyon ng Komunidad at Pamahalaan. Isang mensahe ito na kapag nagtulungan ang pamahalaan at mamamayan sa pagsusulong ng disiplina, batas, at malasakit, posible ang makabuluhang pagbabago.Maaaring maging inspirasyon ito para sa mas aktibong community involvement.

Ika-lima, Pagsisilbing Modelo para sa ibang Lungsod. Ang Lucena ngayon ay maaaring maging benchmark o modelo ng iba pang lungsod na naghahangad ng kapayapaan at kaayusan.Maaaring ibahagi ang mga best practices ng lungsod sa larangan ng peace and order, traffic discipline, barangay governance, at disaster preparedness, at;

Ika-anim, Paghahanda sa Mas Malawak na Responsibilidad. Kasabay ng pagkilalang ito ay mas mataas ang inaasahan sa pamahalaan ng lungsod upang mapanatili at mas lalo pang pagbutihin ang kaligtasan. Kailangang tiyakin ang sustainability ng mga programang pangkaayusan at ang patuloy na pagsasanay ng mga kawani at law enforcement.

Ako po ay naniniwala na ang pagkilalang ito ay hindi lamang resulta ng magagandang plano kundi bunga ng pagkakaisa at malasakit ng bawat pamilyang Lucenahin. Ang tatlumput-tatlong mga Barangay sa Lungsod ng Lucena, ay mariing nagpapahayag ng commitment para sa mas masigasig na pakikiisa sa mga adhikain ng pamahalaang panlungsod upang mapanatili at mapalawak pa ang seguridad at kaayusan ng ating minamahal na Lungsod ng Lucena.

Ligtas na Lungsod ng Lucena—hindi lamang titulo, kundi adhikain nating lahat.
Mabuhay ang Lucena! Mabuhay ang mga Barangay! Mabuhay ang bawat Lucenahin!

Maraming salamat po at magandang araw sa ating lahat.

PRIVILEGE SPEECH
Hon. Reil Briones
Member, Sangguniang Panlungsod ng Lucena
Regular Session | July 14, 2025

Pin It on Pinterest