Badjao Learners, tumanggap ng school supplies mula sa MSEUF-CAS
Tumanggap ng school supplies ang 100 Badjao Learners ng Barra Elementary School mula sa Manuel S. Enverga University Foundation (MSEUF) College of Arts and Sciences (CAS).
Sa ilalim ito ng programang Apple and Pen Project na bahagi ng Community Education Services (CES) ng institusyon.
Kabilang ito sa layunin ng pamantasan na bukod sa paghahatid ng dekalidad na edukasyon ay makatulong din sila sa komunidad.
Sama-samang nagtungo ang student leaders at faculty members ng CAS para ibigay ang school supplies at ilang kagamitan tulad ng payong at bota na magagamit ng mga Badjao Learners sa darating na pasukan.
Ayon kay faculty member at program coordinator ng CES Dexter Hermidilla, nakaakma umano ang mga ipinamigay nilang gamit sa kung ano ang pangangailangan ng estudyante.
Matagal na umanong ginagawa ng MSEUF-CAS ang Apple & Pen Project.
“Flagship program ito ng CAS. Apple kasi nagpapakain kami para sa mga malnourished at sa mahihirap na kababayang Badjao at Pen kasi nag-cocontribute tayo sa kanila ng education by means of providing school supplies and also literacy programs,” saad ni Sir Hermidilla sa panayam ng Bandilyo.
Ayon pa sa kanya, bukod sa pagbibigay ng school supplies sa mga mag-aaral ay nagkaroon na rin sila ngayon ng ‘Adopt-A-Library Program.’
“Dito kasi sa Barra wala silang library talaga. Kung mapapansin niyo ‘yong stage hinati siya sa dalawa. ‘Yong likod nun, ‘yon ‘yong library kaso hindi maganda dahil minsan maingay so sabi nila bibigyan kami ng isang classroom at ‘yon ang gagawin naming library,” dagdag ng guro na nagsilbi ring student leader ng CAS noong siya ay estudyante pa lamang.
Nagbigay rin sila ng mga libro at electric fan para sa paaralan matapos ang isinagawang stotytelling sa mga mag-aaral.
Dalawang beses umanong ginagawa sa loob ng isang taon ang naturang proyekto.