Bokal Luces, dumulog sa tanggapan ni Sen. Hontiveros kaugnay ng imbestigasyon sa Prime Water
Uhaw na uhaw sa maayos na serbisyo.
Ganito inilarawan ni Sen. Risa Hontiveros ang maraming Pilipino kaya kinakailangan na umanong silipin ang mga water concessionaires dahil sa patuloy na pagdami ng reklamo sa suplay sa tubig.
Inihain niya ang Senate Resolution 1352 para imbestigahan ang mga joint venture agreement sa pagitan ng mga water district at pribadong kumpanya kabilang na ang Prime Water na pagmamay-ari ng mga Villar.
Mariin itong sinuportahan ni Quezon 1st District Board Member Julius Luces, na kilalang tahasang nakikipaglaban para sa maayos na serbisyo ng tubig.
Agad siyang dumulog sa tanggapan ng mambabatas sa pamamagitan ng liham.
“…I also take this opportunity to formally lodge a complaint on behalf of the people of Quezon Province, who have long endured the unreliable, substandard, and unjust water service delivered by Prime Water in several municipalities and cities under its concession,” saad ng board member mula sa Tayabas City na lubhang apektado ang suplay ng tubig.
“These issues affect not only the comfort daily life but also pose serious public health risks and burden the already vulnerable sectors of our population,” dagdag pa niya.
Sinabi ng dating konsehal sa nabanggit na lungsod na handa niyang ihayag ang bulok na serbisyo ng kumpanya kung sakaling papalarin siyang maimbitahan sa pagdinig sa Kongreso o Senado.
“Hindi po tayo tatalikod. Hindi po tayo matatakot. Atin pong isisiwalat ang lahat ng reklamo mula ng taong 2019. Hindi po natin ito tatantanan.”
Matatandaang bumuhos at patuloy ang hinaing ng mga taga-Lucena City, Tayabas City, Pagbilao, at Mauban hinggil sa suplay ng tubig matapos mapunta sa Prime Water ang pamamahala ng tubig noong 2018.