Paglalagay ng solar street lights sa Brgy. Mayao Kanluran, magpapatuloy
Target ngayong taon ng Pamahalaang Barangay ng Barangay ng Mayao Kanluran sa Lungsod ng Lucena na matapos ang proyektong pagpapatayo ng mga solar street lights sa lahat ng Purok nito partikular sa mga madidilim na lugar bilang bahagi sa pagpapanatiling ligtas ng mga kalye tuwing sasapit ang gabi.
Ito ang sinabi ni Kapitan Adela Nave sa panayam ng Bandilyo.ph at 89.3 FM Max Radio.
“Bagama’t bumaba ang ERA natin ngayon pero patuloy pa rin yung mga programang hindi natapos tulad ng pagpapailaw sa mga madidilim na lugar ng Manlurang Mayao yun po ay halos mahigit 100 na ang aming nailagay mga poste na solar light sa kahabaan ng Diversion ng Landfill dito sa mga laylayan ay kulang at kulang pa rin”.
Ayon kay Nave, madalas ang mga aksidente sa kanilang lansangan na sakop ng barangay. Aniya, naniniwala silang ang pagiging madilim ng mga lugar na ito ang isa sa dahilan ng mga aksidente kaya marapat lamang na mapailawan.
“Kasi dito naman sa taong ito yung mga nasa kalye napakalalayo ng pagitan ng mga ilaw dito sa Maharlika ay meron kaming mga planong ilalagay diyan na dagdag liwanag kasi nga malimit ang aksidente dito”.
Sinabi ni Nave, nasa 70% na ng naturang proyekto ang naipapatayo nilang mga pailaw sa barangay
Bukod sa proyektong pailaw ng barangay, plano rin nilang magdagdag ng mga CCTV cameras laban sa anumang uri ng kriminalidad upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa komunidad.