LocalNews

Hotline para sa reklamo sa pamasahe, trike drivers, inilabas ng Lucena TFRO

Matapos mag-viral ang post tungkol sa overpricing ng pamasahe, inilabas ng Lucena City Tricycle Franchising and Regulatory Office (TFRO) ang hotline para sa mga reklamo o puno kaugnay sa pamasahe o serbisyo ng tricycle sa lungsod.

Ayon sa TFRO, maaaring tumawag sa 09395471681, magmensahe sa kanilang opisyal na Facebook Account https://www.facebook.com/lucenacitytfro o bumisita sa kanilang tanggapan sa Old City Hall Building, Barangay 5.

Nag-ugat ito matapos putaktihin ng mga netizen ang isang post tungkol sa mahal na paniningil ng isang driver na umabot umano sa P400 simula Metro hanggang Dalahican.

Agad na umaksyon ang tanggapan nang matanggap ang reklamo at nakipag-ugnayan sa dalawang panig para pagharapin sila kung kailan magtutugma ang kanilang schedule.

Oktubre 28, nag-usap ang complainant at driver sa harap ni TFRO Head Dr. Criselda David.

Napatunayang nag-overcharge ang driver at pinatawan ng kaukulang penalty alinsunod sa umiiral na ordinansa ng lungsod hinggil sa tamang pamasahe sa tricycle o City Ordinance No. 2796 Series of 2022.

Bukod pa rito, may parusa rin siya mula sa kinaanibang TODA batay naman sa kanilang internal rules at ng Pederasyon ng Magtatricycle sa Boom Lucena (PMBL).

Tiniyak ng TFRO na poprotektahan nila ang karapatan ng mga mananakay at itataguyod ang disiplina at integridad ng mga tricycle operators at drivers.

Pin It on Pinterest