NewsSports

Huskers, bumawi sa mga Quezonian; nadepensahan ang home court

Matapos talunin ng defending champions na Pampanga Giant Lanterns sa Quezon Convention Center noong Mayo 10, bumawi ang Quezon Huskers sa harap ng home crowd nang tambakan ang Ilagan Isabela Cowboys, 96-78 sa 7th season ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL).

Pinangunahan ni Huskers’ sharpshooter Judel Ric Fuentes ang koponan matapos kumamada ng 17 puntos sa 10:11 minutong paglalaro sa loob ng hardcourt habang double-digit scores din ang naitala ng mga bigman na sina JP Sarao at Ximone Sandagon na nag-ambag ng 15 at 11 puntos.

Hindi pinaporma ng south division champions ang mga dayo sa simula pa lamang ng laro, 25-15. Pinatindi pa ng home team ang kanilang depensa sa pagpasok ng 2nd quarter dahilan para maging pisikalan ang laban. Nagtapos ang half time sa iskor na 52-33.

Patuloy na sumiklab ang Huskers sa 3rd quarter na nagpakawala ng 28 puntos kabilang ang mga three-pointers nina homegrown players Topeng Lagrama at Emman Tagle. Hindi na nagawang makahabol pa ng Cowboys na pumukol lamang ng 10 puntos sa pagtatapos ng naturang quarter.

Hindi sumuko ang Isabela sa kabila ng malaking kalamangan sa pagtutulungan nina Gabriel Angelo Gomez, Philip Manalang, at Allen Mina ngunit determinado ang Quezon na masungkit ang ika-10 panalo sa harap ng Quezonian fans.

Number 2 sa south division ang Huskers matapos manaig sa laban na may record na 10-2 habang nasa 8th spot naman sa north division ang Cowboys, 6-7.

Sunod na makakalaban ng Quezon ang pinalakas na Abra Weavers na may record 11-1 sa darating na Sabado, Mayo 31 sa University of Bangued Gymnasium.  

Shawe Reyes

SHERWIN REYES reyesmsherwin@gmail.com 0945-576-2236

Pin It on Pinterest