Huskers, nalusutan ang Rice Vanguards, 78-77
Binura ng defending south division champions Quezon Huskers ang kalamangan ng rival na powerhouse team Nueva Ecija Rice Vanguards na umabot pa ng 18-puntos sa Palayan Sports Complex, Nueva Ecija.
Hindi nakalamang ang Huskers mula umpisa ng laro hanggang sa maipukol ni rookie shooting guard Diego Dario ang bigtime step back three-pointer sa huling anim na segundo ng makapigil-hininga match-up.
Abante pa ng siyam na puntos ang home team sa pagpasok ng 4th quarter. Kumayod si Dario kasangga ang dynamic duo ng Huskers na sina LJay Gonzales at Judel Fuentes. Nag-ambag din ang mga bigman na sina Vince Magbuhos at Xymone Sandagon at napababa ang kalamangan ng Nueva Ecija sa tatlong puntos sa 5:50 mark.
4:45 nang bitawan ni Dario ang isang three-pointer na nagpatabla sa laro, 71-71. Mabilis na rumesbak ang bagong player ng Rice Vanguards na si Jaycee Marcelino at nakasungkit ng foul kay Gonzales, 4:16.
Naipasok ni Marcelino ang dalawang free throw, 73-71 pabor sa Nueva Ecija.
Mahigpit ang depensa ng parehong koponan na nauwi sa palitan ng turnover. Muling tumapak sa charity stripe si Marcelino sa last 2:09 at naibuslo ang dalawa pang free throw shot, 75-71.
Bumawi at nakalusot naman si Fuentes ng isang driving lay-up, 1:19. Sinubukan niyang ulitin nang makakuha ng possession ngunit hindi pumasok nang subamit si Nueva Ecija bigman Roby Celiz. Nakakuha naman ng foul si Fuentes at naipasok ang dalawang tira, 75-75.
Huling 39 segundo nang makakita ng opening si Celiz. Sumabay sa kanya si Mon Abundo ng Huskers na naitala ang foul.
Dismayado ang home crowd nang sumablay ang unang pagtatangka ni Celiz. Muli namang naghiyawan nang pumasok ang ikalawa nitong tira, 76-75.
Umapak muli sa free throw si Celiz sa natitirang 18 seundo at isang lamang ang naipasok, 77-75.
Last 6 seconds, dito na bumida si Dario at binitawan ang dagger three para makaungos ang Huskers at magwagi kontra sa Rice Vanguards.
Kumamada ng kabuuang siyam na 3-pts si Dario at naitala ang kanyang career high, 29 points.
May record ng 19-4 ang Huskers habang nadagdagan naman ng talo ang Rice Vanguards, 21-2.
Susunod na makakalaban ng pambato ng Quezon ang Sarangani Gripper Motorcycle Tire sa August 28.
Quarter Score: 17-31, 30-45, 53-62, 78-77


 
			 
							