LocalNews

Mauban Mayor pumalag sa kasong isinampa laban sa kanya

Ako’y laging nakahanda upang ipagtanggol ang karapatan ng ating bayan laban sa maling akusasyon at paninira, at higit sa lahat, ipagpapatuloy natin ang ating tapat at makabuluhang paglilingkod para sa ating mga minamahal na mga Maubanin.”

‘Yan ang bwelta ni Mauban Mayor Erwin Pastrana na nahaharap ngayon sa kasong ‘Grave Abuse of Authority’ at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Kinasuhan si Pastrana kasama sina Vice Mayor Alween Sardea at mga kasapi ng Sangguniang Bayan na sina Nathaniel Calucin, Abelardo Mandrique, Michael Diasanta, Raquel Almacen, Yolanda Santayana, Juan Lorenzo Pastrana, Edgardo Astoveza, Liza Mandrique, Julieto Espinas, at Marlon Luna matapos umanong suspendihin ang 19 na punong barangay.

Nakasaad sa reklamo ng mga opisyal ng barangay na sinuspinde sila nang hindi dumadaan sa wastong proseso.

Ayon naman kay Pastrana, hindi siya nakiisa sa pagpapataw ng parusang suspensyon sa mga punong barangay.

Ang nasabing desisyong pagsuspinde ay produkto ng malayang pagpapasya ng ating Sangguniang Bayan (SB), na siyang tanging may kapangyarihan sa ilalim ng batas upang dinggin at resolbahin ang mga kasong administratibo laban sa mga halal na opisyal ng barangay. Bilang Ama ng Bayan, iginagalang ko ang saklaw na kapangyarihan ng SB at hindi ako nanghihimasok sa mga bagay na tanging kanila lamang dapat pasyahan,” saad ng alkalde.

Iginiit niya na mas makabubuti kung ang mga nasuspindeng opisyal ay harapin na lamang ng buong tapang at panagutan ang reklamo laban sa kanila.

“Unahin natin ang serbisyo at hindi ang paggawa lamang ng ingay na walang saysay. Ang mahal nating bayan ng Mauban ay higit nangangailangan ng mga gawa at solusyon, hindi ng mga akusasyong para lamang sa pansariling interes,”

“Walang puwang para sa mga opisyales ng pamahalaan na hindi tumutupad sa tungkulin at hayagang sumusuway o nagpapabaya sa kanilang sinumpaang mandato. Ang ganitong klaseng gawain ay tahasang pagsira sa integridad ng ating pamahalaang lokal at sa tiwala ng publiko,” dagdag pa ni Pastrana sa kanyang inilabas na pahayag.

Shawe Reyes

SHERWIN REYES reyesmsherwin@gmail.com 0945-576-2236

Pin It on Pinterest