News

Pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa, bumagal

Kumpara noong mga nakaraang buwan kahit paano raw sabi ng ilang mamimili may ilang produkto ang bumababa ng kaunti ang presyo.

Bumagal ang inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa.

Ayon sa Philippine Statistics Authority, mula sa 6.6 percent noong Abril, nasa 6.1 percent na lamang ang inflation noong buwan ng Mayo.

Ganoon pa man sa kabuuan sabi ng ilang mamimili hindi nila ito masyadong nararamdaman dahil ang ilang pangunahing bilihin ay nanatiling mataas ang presyo.

Ito na ang ika apat na sunod na buwan na bumagal ang inflation.

Ayon sa PSA, ito rin ang pinakamababang inflation na naitala simula noong Hunyo 2022.

Kahit na raw hindi masyadong maramdaman sabi ng ilang mamamayan sana ay magtuloy ang sinasabing pagbaba ng inflation baka sakali raw na makaramdam sila ng ginhawa.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, kumpiyansa ang kanilang hanay na patuloy na babagal at bababa ang inflation sa bansa sa mga susunod na buwan.

Una nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Executive Order No. 28 na nagtatatag ng Inter-Agency Committee on Inflation and Market Outlook (IAC-IMO), para magkaroon ng maayos na koordinasyon ang iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan para tugunan ang epekto ng inflation.

Pin It on Pinterest